MALABONG mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ng people power revolution.
Ito ang sinabi ng dating PNP chief at ngayon ay Sen. Panfilo Lacson, kasunod ng mga lumulutang na isyu ng impeachment, at sinasabing pagkilos ng ilang grupo.
“Malabo. Malabo at this point in time especially ngayong time na mataas ang trust rating ni PRRD (Pres. Rodrigo Roa Duterte), baka hindi umubra ang people power,” wika ni Lacson.
Una rito, walang na-monitor na maramihang pagkilos ang intelligence network ng gobyerno ukol sa mga ganitong plano.
Nag-ugat ito sa panawagan ni Sen. Leila de Lima sa pagkilos ng taongbayan, at pag-atras ng suporta ng cabinet members kay Pangulong Duterte.
“Kaya nagkaroon ng usapan na may possibility na may destab efforts, kasi paglabas ni Lascañas may calls for people power, for the Cabinet to withdraw support, tapos impeachment, may ganoon. So I don’t know what Malacañang has intelligence information pero from an ordinary observer, puwede mag-isip nang ganoon. Kasi ang mga events, nag… parang may life of its own, parang may dine-develop,” pahayag ni Lacson.