KASUNOD ng field trip na humantong sa aksidente at ikinamatay ng 15 katao sa Tanay, Rizal, ipinaaala ng Department of Education (DepEd), na hindi mandatory ang educational tours at hindi rin dapat gawing batayan ng grado.
“Hindi naman po mandatory ang field trip at hindi naman po iyan naka-attach doon sa grades. Ipinagbabawal po iyan sa polisiya natin,” ani DepEd Planning and Field Operations Usec. Jesus Mateo sa panayam ng DZMM.
Ipinagbabawal din aniyang idaos ang mga fied trip sa mga mall, TV shows at malalayong lugar.
“Ang tinitingnan natin dito ay kaligtasan ng ating mga mag-aaral,” paliwanag ni Mateo.
Depende sa bilang ng mga estudyante, kailangan aniyang may kasamang guro, at kahit isang magulang sa educational tours.
Dagdag ni Mateo, nakaatas sa paaralan na ipagbigay-alam sa mga magulang ang ano mang school activity, sa pamamagitan ng mga parent-teacher conference.
Hinihikayat din aniya ng DepEd ang mga paaralan na kumuha ng sponsor upang hindi sagutin ng mga magulang ang mga gastusin sa field trip.
TASK FORCE TANAY
TRAGEDY BINUO
BUMUO ng special investigating team ang Tanay police para tutukan ang aksidenteng ikinamatay ng 15 pasahero ng isang bus na sumalpok sa poste sa Tanay, Rizal nitong Lunes.
Napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon, pagewang-gewang at hindi nakapag-preno ang bus bago ito sumalpok sa poste.