WASTO ang inilatag na kondisyon ni Presidential spokesman Ernesto Abella na babalik lamang sa negotiating table ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kung ititigil ng News People’s Army (NPA) ang mga armadong pag-atake sa pamahalaan kabilang na ang mga pangingikil sa mga negosyante.
Kailangang maging matatag at matapang ang posisyon ngayon ng pamahalaan matapos mapahiya ang NPA na naunang nagbasura ng kanilang unilateral ceasefire na sinagot naman kaagad ni Duterte ng pagbasura sa usapang pangkapayapaan.
Ang kondisyong binitiwan ni Abella ay kailangang sundin ng Communist Party of the Philippines (CPP), at kung hindi nila ito magagawa ay hindi na rin dapat ituloy pa ng pamahalaan ang peace talks sa mga komunista.
Ang pangingikil ng NPA bilang revolutionary tax ay hindi maituturing na bahagi ng pakikibaka ng mga pulang mandirigma para makamit ang tunay na kalayaan ng mga aping sektor ng lipunan. Ang pagpapataw ng revolutionary tax ay isang uri ng pagnanakaw at gawain lamang ng mga grupong bandido.
Kailangang sundin ng pamunuan ng CPP ang panawagan ng pamahalaan na itigil na ang pangingikil ng NPA para matuloy ang usapang pangkapayapaan. Kung meron pang natitirang pagmamahal at malasakit si Jose Maria Sison sa kilusan, gawin niya at tumalima sa kondisyon ng pamahalaan ni Duterte.