AYAW naming isipin na kung hindi pa natagpuang nakasalampak si John Regala at walang malay sa sahig ng Savemore Supermarket sa Zapote noong February 17 ay hindi pa siya mapi-feature sa Kapuso Mo, Jessica Soho noong Linggo.
Earlier, naiulat na inatake sa puso ang character actor only to find out na bumaba pala ang kanyang blood sugar level.
Pasado 5:00 a.m. nang saklolohan siya ng isang lalaking nakilalang si Toto.
Sa feature ng KMJS ay mala-trubute kay John—John Paulo Guido Boucher Scherrer sa tunay na buhay. Inugat ang kanyang pinagmulan, ang pagiging kabilang niya noon sa youth-oriented program na That’s Entertainment hanggang malinya sa pagganap ng mga contrabida roles.
Maging ang pinagdaanan niyang krisis sa pamilya at kung paanong tiniis niya ‘yon ay hindi nakalampas sa pananaliksik ng TV magazine show.
Tinalakay din sa feature kay John ang pagkagumon niya sa drugs at ang pagsasailalim sa drug rehab until natagpuan niya ang kapayapaan sa kanyang buhay nang maging isang born again Christian.
Sa ngayon ay isa nang environmentalist si John, being the President and CEO ng Project Evolution, Inc..
Pero hindi maiwasang magtanong kami kaugnay ng inamin niyang mga illegal na gawain na kanyang pinasok bago siya naging reformed na indibidwal.
Ayon kasi kay John, pinasok niya ang pagbebenta ng mga loose firearms at pamemeke ng pera. Tanong lang namin: bakit tila hindi pumutok sa showbiz ang balitang ito kung paanong umingay ang kanyang kinapalooban na drugs issue?
Pinapanagot ba si John ng offenses na ito? Nakulong ba siya? Nasentensiyahan?
Bagamat water under the bridge na ito, as in nakaraan na, ay baka maungkat ang mga kasong ito lalo’t balik-aktibo na naman siya sa showbiz (huli siyang napanood sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang isang tiwaling Congressman).
Anyway, ikinatutuwa tiyak ng mga tagahanga ng 51-anyos na aktor ang kanyang matuwid na pamumuhay ngayon.
Sa feature ng KMJS ay magsilbi sanang inspirasyon ‘yon sa iba pang mga artistang nasadlak din sa bisyo ng droga.
That is, mananatiling mayroon pa silang puwang sa showbiz kung bukod sa mahusay sila sa kanilang larangan ay seryoso ang kanilang hangaring baguhin at ayusin ang kanilang buhay.
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III