Nagmistulang pari si Director-General Ronald “Bato” dela Rosa, Philippine National Police (PNP) Chief, nang payuhan (o sermunan?) ang mga bagong kasal na pulis, matapos niyang pa-ngunahan ang “Kasalang Bayan” na isinagawa sa Camp Crame noong isang linggo.
At ang napagbalingan ni “Father” Bato ay ang mga asawa ng naturang mga bagong pulis, na sinabihan niya na huwag mag-isip ng mga materyal na bagay.
Ang asawa at ang kapritso umano nito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagiging tiwali at naghahanap ng “extra income” sa iligal na pamamaraan ang isang pulis.
Bagaman hindi niya nilalahat, may mga asawa umano na hindi kuntento kung bibigyan ng simpleng cell phone at ang gusto talaga ay iyong mamahalin. Mayroon din daw naiinggit kapag nakita na ang iba ay may bagong kotse.
Ang mga pulis ay pinayuhan ni Dela Rosa na maging sunud-sunuran sukdulang maging “under-the-saya” sa kanilang mga misis, upang mahalin sila nang husto ng mga ito.
Pero pinayuhan naman ng PNP Chief ang mga kababaihang asawa ng pulis na huwag pawang mga materyal na bagay ang isipin, upang hindi mapilitan ang pulis na maging corrupt para lang mapagbigyan ang kanilang kagustuhan.
Maaaring may pagkakataon na ang pagiging maluho ng asawa ang nagtulak sa pulis para maging corrupt. Pero ang puna ng iba ay baka naghahanap lang daw si Dela Rosa ng masisisi sa mga katiwaliang kinasangkutan ng ilan sa kanyang mga pulis kamakailan.
Ngayon ay seryosong nililinis nina Dela Rosa ang kanilang hanay bunga ng kahayupang ginawa ng mga pulis sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng Koreano sa loob mismo ng Camp Crame, na gamit ang “anti-drug campaign” ng Pangulo bilang front.
Lumakas ang loob ng ilang pulis sa paggawa ng kalokohan dahil na rin sa proteksyon na ibinigay sa kanila ni President Duterte, kaugnay ng inilunsad niyang digmaan sa droga. Natauhan lang ang Pangulo at itinigil ang proteksiyong ito nang paslangin ang Koreano.
Marami ring pulis ang naging sagad sa buto ang katiwalian dahil kapag kinasuhan sila at sinibak sa posisyon ay inililipat lang sila ng ibang puwesto, at tuloy pa rin ang ligaya.
Nagdudulot ito ng takot sa publiko dahil lumalabas na pinoprotektahan ng pamunuan ng pulis ang sarili nilang hanay laban sa parusa.
Naniniwala ang Firing Line na kung nais ng PNP na linisin ang kanilang hanay, kapag nakagawa ng kalokohan ang pulis ay dapat itong kasuhan at parusahan batay sa bigat ng nagawang kasalanan, kahit na tuluyan siyang matanggal sa serbisyo at bumagsak sa kulungan.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.