NILANGAW ang isinagawang kilos-protesta ng Simbahang Katolika sa kanilang panawagang magkaisa ang sambayanang Filipino bilang pagkondena sa patuloy na extrajudicial killings (EJK) na nagaganap sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Ang “Walk for Life” na isinagawa nitong nakaraang Sabado sa Quirino Grandstand ay nilangaw, at halos 1,000 katao lamang ang dumalo sa kabila nang mahigpit na panawagan ng mga Katolikong Obispo at pari na makiisa ang lahat ng kanilang mga deboto.
Ang pumalpak na panawagan ng Simbahang Katolika ay malinaw na ang kanilang mga deboto ay hindi na naniniwala sa mga obispo at pari lalo kung ipinanawagan ay may kinalaman sa politika.
Sawa na ang mga mananampalatayang Katoliko sa mga kabulastugan ng kanilang mga obispo at pari. Ang salita ng Diyos ay matagal nang nilimot ng mga obispo at pari, at kung umasta sila ay walang ipinagkaiba sa mga politikong senador at kongresista.
Hindi panangga ang kasuotang puting sotana para tuluyang mahugasan ang mga kasalanan ng mga obispo at pari. Sa ginagawa nilang kalapastanganan sa Diyos, makaaasa silang sa impiyerno ang kanilang bagsak.