Si Wally Sombero nga ba ang sagot sa ‘misteryo’ ng P50-Milyones ni Jack Lam?
Jerry Yap
February 16, 2017
Bulabugin
IPAGPAPATULOY ngayong araw ang pagdinig sa Senado kaugnay ng ‘misteryosong’ P50 milyones na sinabing tinanggap ng dalawang pinatalsik na immigration commissioner na sina Al Argosino at Michael Robles.
Sina Argosino at Robles ay fraternity brothers ni Pangulong Rodrigo Duterte sa San Beda sa Lex Milyones ‘este Talionis.
Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee chair, Sen. Richard Gordon, natutuwa sila na nagpapakita ng kooperasyon si dating PNP official Wenceslao “Wally Sombero sa isinagawa nilang pagdinig.
Ngayong lumutang na nga si Wally Sombero, masagot na kaya ang P50-milyong katanungan kung ang sinasabing ‘ibinigay’ ni Lam ay kinikil o isinuhol?!
Nag-umpisa ito sa umano’y paghingi ng tulong ni Macau gambling mogul Jack Lam kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pinagtagpo ni Wally Sombero sa Shangri-La Hotel sa Bonifacio Global City (BGC).
Gusto raw niyang maging ‘ninong’ o patron si Aguirre dahil kinikikilan umano siya ng dalawang Immigration Commissioner na sina Argosino At Robles.
At bago raw ibigay ni Wally Sombero sa dalawang immigration commissioner ang P50 milyones na hinati sa dalawang bigay, isang P20 milyon at isang P30 milyon sa pagitan ng 2:00 am at 6:00 am noong 27 Nobyembre, ay ‘nakipagkita’ at ‘nakapagsumbong’ na sila kay Aguirre.
Ang nakalilito rito, sinabi ni Wally boy na hindi siya nagtatrabaho kay Jack Lam kaya ang tanong, kanino galing ang P50 milyones na ibinigay niya sa dalawang commissioner?!
Kung hindi tao ni Lam si Sombero, ibig bang sabihin ay set-up ang ginawa niya sa dalawang commissioner?
Bakit tila nakahanda na ang CCTV sa City of Dreams sa abutan ng naka-paper bag na milyones?!
Bakit pinalipas rin nang ilang araw ni Wally ang sinasabing extortion bago ito ini-expose?
Totoo ba na P150 milyon ang “cashunduan” diyan?
May nabukulan ba sa tansaksiyon na ito kaya sumabog ang isyu sa madlang pipol?
Ilan lang ‘yan sa mga katanungan na hanggang ngayon ay naglalaro sa isipan natin.
Ngayong araw, sana ay maiklaro na ni Wally Sombero sa Senado kung ano ang katotohanan sa likod ng P50 milyones.
‘Yan po ang aasahan ng sambayanan ngayon, Senator Dick Gordon.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap