TOTOO ba ang info? Alin? May korupsiyon (din daw) sa Bureau of Fire and Protection (BFP). Wala naman siguro. Ano’ng ninanakaw dito, apoy sa tuwing mayroon sunog?
He he he…
Anyway, nitong Martes, 14 Pebrero 2017, tinalakay natin ang sinasabing isa sa paraan ng ‘nakawan blues’ sa BFP. Pero ang tanong nga natin, gaano naman kaya katotoo na may korupsiyon sa ahensiya sa pamamagitan ng travel allowance para sa bawat fire safety inspector (FSI).
Nagsisimula ang korupsiyon sa hindi pagbibigay ng travel allowance sa mga FSI sa tuwing may official business sila o magsasagawa ng inspeksiyon sa mga establisiyemento. Bawat FSI na armado ng inspection order (IO) ay may allowance na P60.00.
Nanggagaling pala ang pondo para sa travel allowance sa BFP regional office at ito ay ibinababa sa local fire district. Ibig sabihin, malinaw na walang kinalaman sa korupsiyon sa travel allowance ang regional office. Teka, korupsiyon? Mayroon ba nito sa BFP? Wala naman siguro, malinis kaya ang BFP lalo na ang mga opisyal ng ahensiya. Sa’n sila malinis? Siyempre sa pagtatrabahonaman. Pagtatrabaho ng ano?
Tulad ng nabanggit, tanong ko lang (uli). Gaano kaya katotoo ang info ng insider natin mulang BFP Quezon City na nagsisimula ang korupsiyon sa hindi pagbibigay ng travel allowance para sa mga FSI? Hindi ibinibigay? Imposible naman. Paano kikilos o magtrabaho ang mga FSI kung hindi ito ibinibigay?
Anyway, ang insider ay mula lang naman QC Fire pero hindi sinasabing may korupsiyon sa QC Fire hinggil sa travel allowance. Hayun naman pala.
Pero, QC Fire Marshall, Sr. Supt. Manuel Manuel, wala nga bang korupsiyon sa teritoryo mo? Ibinigay mo naman siguro ang travel allowance ng mga FSI mo? ‘Di po ba sir? Oo naman, ‘di ba Kernel? E, kayong iba pang Fire marshal, sa Manila, Mandaluyong, Makati, Pasay, Caloocan etc, ibinibigay naman siguro ang travel allowance ninyo at hindi ibinubulsa?
Ngunit, heto ang siste sa BFP, ayon sa insider, kung susuriin base sa voucher, naibibigay naman daw ang travel allowance ng mga FSI per IO na halagang P60.00. At pinipirmahan naman ito ng mga FSI, lamang walang cash na iniaabot sa kanila. Kung titingnan, parang napakaliit ng P60,00. Pero kung susumahin ito ay napakalaking halaga pala dahil sa loob ng isang araw kung minsan ang IO na inilalabas ng isang local fire ay umaabot sa 1,000.
Meaning, P60.00 x P1,000 IO equals P60,000. Wow, laki nga! Halimbawa sa Kyusi na puno ng establisiyemento. Talagang ang daming IO daw lumalabas kada araw sa dami ng establisiyemento. Anyway, paglilinaw lang ha. Halimbawa lang ang Kyusi pero hindi natin sinasabing may korupsiyon (sa travel allowance) sa QC Fire. Wala nga ba? Iyon ang tanong?
Wala, mabait at malinis yata ‘yan si S/Supt. Manuel.
Pero teka, parang ang labo yata, pumipirma ng voucher ang mga FSI sa bawat IO pero walang cash na iniaabot sa kanila. Labo nga. Totoo kayang walang cash. Naku ha! Parang ang hirap paniwalaan.
Pumipirma lang daw ang mga FSI dahil nakikisama sila at para hindi pag-initan bukod sa baka limitahin na ang pagbibigay ng IO lalo na ang mga tumangging pumirma. Gano’n?
So, kung totoong hindi ibinibigay ang cash, paano magtrabaho ang mga FSI? Heto raw ang dahilan kaya walang cash. Kumikita naman ang mga FSI sa mga establisiyementong kanilang pinupuntahan o iniinspeksyon. Totoo ba ito?
Meaning, ang mga opisyal ang nagtutulak sa mga FSI para maging corrupt? Ganoon ba ang ibig sabihin nito?
E, paano kumikita naman ang mga FSI sa bawat establisiyemento? Ano pa nga ba raw kundi iyong matagal nang isyu – ang bentahan ng fire extinguisher sa pamamagitan ng inirekomendang private company na nagbebenta ng fire extinguisher. Halimbawa, sa P5,000 na halaga ng fire extinguisher, P1,200 lang ang mapupunta sa company habang P3,800 sa FSI. Hayun naman pala, kaya pala kung hindi sila pipirma ng voucher hindi sila mabibigyan ng IO.
Dito lang ba kumikita ang mga FSI kaya kahit wala na ang travel allowance? Hindi raw kundi marami pa. Kapag walang fire escape, walang sprinkler, o kung ano-anong violation na makita. Tiba-tiba na rito ang FSI.
So, sino ngayon ang nagtulak sa mga FSI para maging isang corrupt? Sino pa nga ba, kundi ang mga nagbubulsa ng kanilang travel allowance. Iyan lang naman ay kung totoong naibubulsa ang kanilang travel allowance sa kabila na pumipirma sila (FSI) sa voucher.
Kapag, walang fire escape, walang sprinkler, malakihan ang usapan dito – mababa na ang P20,000. E, paano iyon? Alin? Paano ngayon makakukuha ng Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) ang isang establisiyementong walang fire escape o sprinkler?
Ibang usapan na naman iyon dahil may mga pipirma na opisyal.
Kaya pala ang lumalabas dito ngayon ay… pipirma ka sa voucher (without cash) o no IO. Kasi kung walang IO, walang malaking kita ang FSI.
Aba, hindi lang pala ang mga nagbubulsa ng travel allowance ang corrupt dito kundi maging ang mga FSI. Pare-pareho lang pala sila. Iyon lang naman ay kung totoo ang info na naibubulsa ang travel allowance ng mga FSI.
Kaya, hindi na nakapagtataka kung bakit maraming namamatay kapag nasunog ang malalaking establisiyemento na maraming violation sa fire code.
Ops, magkano naman ang kitaan para sa pagpapalusot ng violations para makakuha ng FSIC ang isang establisiyemento na nakitaan ng maraming violation lalo ang malalaking gusali? Mga FSI lang ba ang nakikinabang?
Abangan!
AKSYON AGAD – Almar Danguilan