HINDI lingid sa kaalaman ng marami kung sino-sino ang gambling lords sa Filipinas at ang kanilang mga protektor. Mula sa mga ilegal na sugal gaya ng jueteng, masiao, karera ng kabayo at loteng, tukoy na ng Philippine National Police kung sino-sino ang may hawak ng mga ilegal na operasyong ito.
Lantad na lantad ang operasyon ng illegal gambling sa maraming barangay sa bansa, at kahit magtanong-tanong sa kalye, masasagot ng ordinaryong residente kung sino ang nagpapatakbo ng mga operasyong ito.
At kung talagang seryoso ang PNP na mapahinto ang ilegal na sugal, kailangan lang na maipatupad ang batas nang walang kinikilingan.
At ngayon na nagdeklara na ng giyera si Chief PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa laban sa ilegal na sugal, marami ang nangangamba kung seseryosohin ba ng kanyang mga tauhan ang kampanyang kanyang inilunsad.
Alam naman ng karamihan na maraming pulis, mula sa matataas na posisyon hanggang sa ibaba ay nakikinabang sa ilegal na sugal. Kaya’t malaking katanungan kung kaya bang mapahinto ni Dela Rosa ang ilegal na sugal?
Naniniwala tayo na matitigil lang ang ilegal na operasyon ng sugal kung walang pulis na mako-corrupt ng milyonaryong gambling lords.
Kung maituturing man na kabiguan ang nangyari sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, sana ay hindi na ito mangyari sa gagawing kampanya laban sa ilegal na sugal.