NADIDIIN si Superintendent Rafael Dumlao III bilang mastermind sa pagdukot at pagpaslang sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.
Sa katunayan ay hinamon siya ni Jerry Omlang, ang striker o utusan ng National Bureau of Investigation (NBI), na pareho silang magpa-lie detector test upang malaman kung sino sa kanila ang nagsasabi nang totoo.
Si Omlang ay kaibigan ng suspek na si SPO3 Ricky Sta. Isabel na sumama raw sa pagmamanman sa Koreano sa paniniwala na isang Chinese drug lord ang kanyang binubuntutan.
Nagduda rin siya sa operasyon dahil Koreano pala ang kanyang minamanmanan at wala raw ginagawang ilegal. Galing bahay ay nagbabaon ng pagkain papuntang opisina.
Nang dukutin nila ang Koreano ay walang ilegal na droga na nakuha sa kanya. Pero nakita ni Omlang ang grupo ni Sta. Isabel na dala-dala ang isang bag na naglalaman ng mga alahas at mga mamahaling relos.
Dumiretso sila sa Camp Crame, doon umano sila sinalubong ni Dumlao. Nag-alok si Jee na handa siyang magbigay ng P4 milyon kung palalayain ng mga pulis.
Sumama pa raw si Omlang sa mga pulis na nag-withdraw ng pera mula sa ATM account ni Jee sa Greenhills. Pagbalik nila sa Camp Crame ay nakita niyang patay na ang Koreano.
Walang alam ang pamilya ni Jee na patay na siya kaya nagbigay pa sila ng P5 milyon sa mga pulis ilang araw makalipas ang pagdukot. Kung hindi ba naman sagad sa pagiging ganid, nakuha pa nilang humingi ng ransom kahit pinaslang na nila ang biktima.
Itinatanggi ni Dumlao na may kinalaman siya sa krimen. Pero kahit ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky ay idinidiin si Dumlao sa naganap.
Ikinalat ni Jinky sa social media ang voice tape ng kanilang usapan umano ni Dumlao sa telepono. Maririnig sa recording na pinakakalma ni Dumlao si Jinky na huwag sasabihin ang lahat ng kanyang nalalaman dahil maaaring masangkot silang lahat.
Pumayag si Dumlao sa scenario ni Jinky na ang tatlo pang pulis na sangkot sa pagdukot ay papaslangin ng Anti-Kidnapping Group (AKG).
Kasunod nito ay magpapatawag daw sila ng media at ituturo ang tatlong namatay na pulis na tunay na dumukot at pumaslang kay Jee, kasabay ng pag-absuwelto sa asawa ni Jinky.
Nagtuturuan sina Dumlao at Sta. Isabel sa krimen. Pero sino man sa kanila ang mastermind ay dapat matukoy at mapanagot sa batas, pati na ang kanilang mga naging kasabwat, upang huwag tularan ng kanilang kabaro.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.