INIHAYAG kahapon ng Meridien Vista Gaming Corporation na legal at lehitimo ang operasyon ng kanilang kompanya na pinupustahan gamit ang larong jai-alai.
“Habang wala pang pinal na paghuhusga ang Korte Suprema sa kaso kung legal o hindi ang lisensiyang inisyu ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ay walang ahensiya ng gobyernong puwedeng magsabing ilegal ang aming mga laro,” pahayag kahapon ni Atty. Raymund Fortun, ang abogado ng MVGC.
Maging si Senadora Leila de Lima ay nagpahayag kahapon sa isang pagdinig sa Senado na minsan na niyang tinangkang ipahinto ang operasyon ng Meridien, pero wala siyang nagawa nang magdesisyon ang Court of Appeals pabor sa Meridien na nag-apela sa mataas na hukuman para pigilin ang utos ng noon ay Justice secretary.
“Ako at ang namayapang si Jess Robredo, na noon ay sekretaryo ng DILG, ay sinampahan ng injunction case sa Court of Appeals kaya hindi napahinto ang mga laro ng Meridien. Hindi ko na alam kung ano ang update ngayon ng kaso,” pahayag ng senadora kahapon sa pagdinig sa kasong pangongotong umano ng dalawang mataas na opisyal noon ng Bureau Immigration.
Ayon kay Atty. Fortun, kasalukuyan pang nakabinbin ang usapin sa Korte Suprema matapos iapela ng gobyerno ang kaso nang manalo ang Meridien sa Court of Appeals at ideklarang legal ang operasyon ng MVGC at walang basehan ang noon ay pagtatangka ng DOJ na pahintuin ang mga laro ng MVGC.
Naging isyu noon ng hepe ng DOJ na walang legal na basehan ang mga laro ng Meridien sa labas ng mga lugar ng CEZA, pero hindi ito kinatigan ng Mataas na Hukuman na nagsabing sapat na batayan ang prangkisa o lisensiya na inisyu ng economic zone authority at ang mga permiso ng mga gobyernong lokal para maging legal ang operasyon ng MVGC. (HNT)