INUMPISAHAN na ang paglilinis sa hanay ng Philippine National Police (PNP) partikular na sa sinasabing police scalawags. Ito raw iyong mga salot na pulis na patuloy na sumisira sa imahe ng PNP.
Ang giyera laban sa mga scalawags sa panahon ni Pangulong Duterte ay nag-ugat sa nangyaring krimen sa bisita ng bansa – pagdukot at pagpapatubos ng P5 milyon, pagpaslang sa Korean national na si Jee Ick Joo.
Dinukot ang Koreano sa bahay sa Angeles City at makaraan ay pinatay matapos magbigay ng ransom money na P5 milyon ang asawang Filipina.
Ang nakahihiya nito, mga pulis pa ang dumukot at pumatay sa dayuhan at sa loob pa ng Kampo Crame pinatay na pinalalabas na sangkot sa ilegal na droga.
Sa paghuli kuno kay Jee, sinamantala ng mga pulis sa pangunguna ng inakusahang si SPO3 Ricky Sta. Isabel ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga – ang Oplan Tokhang.
Pinabulaanan ni Sta Isabel ang akusasyon laban sa kanya kasabay nang pagtuturong si Supt. Rafael Dumlao ang mastermind sa krimen. Pinasinungalingan ni Dumlao ang akusasyon.
Ang pangyayari na kumaladkad sa PNP upang malagay sa kahihiyan sa buong mundo ang nag-udyok kay Pangulong Duterte para itigil ang Oplan Tokhang o pagbawalan ang PNP na magsagawa ng anomang operasyon laban sa ilegal na droga.
Kasabay nito, ipinokus ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa mga pulis – ang ‘durugin’ ang mga scalawags. Ipinag-utos ng Pangulo ang all-out war laban sa mga salot na pulis “internal cleansing” daw muna bago sa labas.
Kamakalawa nga, halos 400 pulis na inaakusahang scalawags ang iniharap ni PNP chief, Director General Ronald “Bato” Dela Rosa kay Pangulo sa Palasyo. Hayun, nakatikim ng malulutong na pagmumura mula sa Pangulo ang mga pulis.
Bukod dito, ipinatatapon ni PDU30 ang mga pulis sa Basilan. Doon raw nila gamitin ang kanilang kagaguhan. Pero ang daming nag-iyakan sa mga iniharap kay Duterte – wala naman daw silang kaso pero isinama sila sa listahan ng scalawags na iniharap kay Pangulo.
Ganon?!
Sabi naman ng marami, kailan ba raw umamin ang isang kriminal sa krimen na kanyang kinasasangkutan? Kailan nga ba?
Pero ano pa man, magandang hakbangin ang ginagawa ngayon ni PDU30 – ang paglilinis sa PNP pero sana bago ang giyera sa droga, mga pulis muna ang kanyang inunang nilinis.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Iyon nga lang, kung hindi sa dayuhan na kinakailangan ‘magbuwis’ muna ng buhay ay hindi nabuko ang katarantaduhan ng ilang pulis.
Ngayon, sa kampanya laban sa scalawags, masasabing hindi magiging mahirap na trabaho ito sa PNP upang ipatukoy kung sino-sino ang mga ‘anay’ sa hanay ng PNP.
Umpisahan nila ang imbestigasyon sa mga pulis na obvious at lantaran ang kanilang yaman. Yaman na napakaimposibleng magkaroon sila sa loob ng ilan taon sa serbisyo. Isa nga sa halimbawa ay si Sta. Isabel na kuwestiyonable ang yaman. Halos P20 milyon ang asset niya sa kabila ng P8,000 ang take home niya sa kanyang suweldo.
Ibig po natin sabihin, madali naman matukoy ang mga pulis na kuwestiyonable ang yaman – umpisahan sa kanilang mamahaling sasakyan na hinuhulog-hulogan o under bank financing. Akalain mo, kayang – kaya nilang maghulog ng P20,000 hanggang P25,000 sa loob ng isang buwan sa loob ng limang taon. Hindi lang sasakyan ang kasabay ng kanilang monthly obligation kundi marami pang iba.
Ilan ngang pulis na kilala natin ay may magagarang sasakyan – financing nga raw. Pero ‘wag ka, P25,000 hanggang P30,000 ang monthly amortization nila.
Sa hinuhulog na P20,000 hanggang P30,000 monthly, hindi ba obvious kung saan nanggagaling ang ipinambabayad ng isang scalawag.
Well, maliban lang kung mayroon talagang negosyo ang isang pulis bago siya nagpulis. Negosyong talagang kumikita nang malaki.
Kaya, sa kampanya laban sa scalawags o para madaling matukoy, nararapat na umpisahan ang imbestigasyon sa unexplained wealth ng nakararaming pulis. Ilan kaya ang matitirang pulis kapag nagkataon?
Aksyon Agad – Almar Danguilan