GINANAHAN nang todo sa pakikinig ang masusugid na listeners ng ‘Live Jamming with Percy Lapid’ sa Radio DZRJ-810Khz nitong nakaraang Linggo.
Kinailangan pang ma-extend nang isang oras kaya inabot hanggang 3:00 ng madaling araw ang masayang programa para sa napakaraming requested songs ng listeners.
Ang Live Jamming tuwing Linggo ng gabi, 11:00 pm – 2:00 am, ay produksiyon ng arts and entertainment department ng 8TriMedia Broadcasting Network.
Isang Folkmusicians Reunion-Fellowship ang kasabay na idinaos noong Linggo bilang parangal sa Hawaii based at balik-bayan singer na si Verna Canon, dating kilalang recording artist sa bansa na nagpasikat ng awiting “Larawan” ng singer-songwriter na si Mon del Rosario.
Nasulit ang pagpupuyat ng masusugid na listeners noong Linggo sa isang natatanging pagtatanghal na nagtampok sa mga bigatin at kilalang Pinoy folkmusicians na sina: Marc “Ordinary Song” Velasco; Jes ‘Banyuhay’ Bartolome; Albert de Pano; Gabby Cristobal; Francis Bax; Atty. Bong Baybay; Corky and Kiko; Rene Vega; Eula Sotelo; Lander Blanza; Mark dela Cruz; Tim Torre; Nonoy and Gigie; Rudy Espinosa; at Maribeth.
Naki-jamming din ang singer-actress na si Alynna Velasquez.
Naging co-host ang dating matinee idol na si Sahlee Quizon, anak ng yumaong ace comedian na si Dolphy.
Ang Live Jamming ay napapakinggan tuwing Linggo ng gabi, 11:00 pm – 2:00 am, at sabayang napapanood sa You Tube at Facebook live streaming via 8trimedia.com.