IPINAUUBAYA ng Philippine National Police (PNP) sa National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang operasyon laban sa ilegal na droga.
Ito’y makaraan iutos ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa, na itigil muna ng mga pulis ang ‘Oplan Tokhang’ at binuwag ang anti-illegal drugs units sa PNP.
Sinabi ni PNP spokesman, Senior Supt. Dionardo Carlos, wala munang gagawing pre-planned operation ang mga pulis gaya ng buy-bust at raid sa suspected drug pushers.
Ayon kay Carlos, bahala muna ang PDEA at NBI na punuan ang maiiwang gap o iiwang trabaho laban sa ilegal na droga.
Ipinaliwanag ni Carlos, kailangan nilang pagtuunan ang paglilinis sa kanilang hanay mula sa mga bugok at tiwaling mga pulis, sa pa-mamagitan ng bubuuing counter-intelligence task force.
Una rito, inihayag ni Gen. Dela Rosa, 48,000 o 40 porsiyento ng police force ang scalawags at nagsasamantala sa ‘Oplan Tokhang’ at suportang ibinibigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.