“MASAYA po ako kung nasaan po ako ngayon.
At inaalagaan po ako ng ABS-CBN and Dreamscape, nina Sir Deo (Endrinal), so wala pong ganoon.”
Ito ang iginiit ni Julia Montes sa Thanksgiving presscon ng kanyang longest running daytime drama Doble Kara noong Lunes ng gabi nang tanungin siya ukol sa mga balitang naglalabasan na lilipat siya ng ibang network at iiwan na angKapamilya Network.
Ani Julia, na magwawakas na sa susunod na Linggo ang Doble Kara, na wala rin namang offer mula sa ibang network kaya nagugulat siya sa mga naglalabasang balita.
“Honestly, parang never din naman sumagi sa akin from the very start. Siguro noon naisip ko na tumigil mag-showbiz, pero hindi lumipat (ng ibang network),”paglilinaw pa ng tinaguriang Daytime Drama Queen.
Ukol naman sa taguri sa kanya bilang Daytime Drama Queen, (binigyan siya ng titulong ito dahil consistent na mataas sa national TV ratings ang kanyang Doble Kara, base sa datos ng Kantar Media), sinabi ni Julia na hindi niya ito naisip.
“Sometimes talaga, kapag nagdarasal ka, overflowing ‘yung ibinibigay sa iyo ng Diyos. Unexplainable ‘yung pakiramdam.
“Ang sarap lang din po sa pakiramdam dahil mas lalo po akong na-inspire na pagbutihin ko pa kada trabaho na ginagawa ko.”
Samantala, sa pagtatapos ng Doble Kara, may susunod kaagad na proyekto si Julia at sa ilalim pa rin ng Dreamscape Entertainment Televison.
“Mayroon po, abangan nila at kapag puwede na po naming i-announce sasabihin naman po namin.”
Masaya naman si Julia sa magandang itinakbo ng Doble Kara na mahigit isang taong umere. “Araw-araw ninyo akong pinatuloy sa inyong mga tahanan. Umaapaw ang aking pasasalamat sa mga alaala at mga taong nakilala ko,” ani Julia. “Maraming salamat po sa inyo dahil ipinadama ninyong hindi ako nag-iisa at isang pamilya tayo.”
Agosto 2015, nagsimula ang Doble Kara na kumumpleto sa hapon ng mga manonood. Naging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa serye, kaya naman naging consistent top rater ito at hindi natinag sa pamamayagpag sa ratings sa buong bansa. Katunayan, nagtala ang serye noong nakaraang taon ng all-time high national TV rating na 21.7%, ayon sa datos ng Kantar Media. Ilang serye na rin ang sumubok tumapat dito pero nanaig pa rin ang suporta ng Kapamilya viewers para sa palabas.
Patuloy din ang araw-araw na pag-ani ng papuri ng serye mula sa netizens sa pagiging consistent trending topic nito sa Twitter at pagiging patok na usapin online.
Sa nalalapit nitong pagtatapos, mas marami pang dapat abangan dahil mas marami pang plano si Alex (Maxene Magalona) na isasakatuparan upang maghiganti kina Kara at Sara. Mas gugulo rin ang kanilang pamilya sa pagbabalik ni Lucille (Carmina Villaroel) sa kanilang mga buhay.
Kasama rin sa cast ng Doble Kara sina Sam Milby, Mylene Dizon, John ‘Sweet’ Lapus, Rayver Cruz, Mickey Ferriols, Alicia Alonzo, Anjo Damiles, John Lapuz, Nash Aguas, Alexa Ilacad, Polo Ravales, at Patricia Javier.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio