NITONG nakaraang Lunes, pormal na sinuspendi ni PNP chief Diector General Ronald dela Rosa ang Oplan: Tokhang. Ibig sabihin, tigil na ang anti-drug operation partikular ang bahay-bahay na pangangatok sa mga komunidad na ginagawa ng pulisya.
Ang suspensiyon ng Oplan: Tokhang ay bunga na rin ng sunod-sunod na dagok sa PNP lalo ang nangyaring pagkidnap at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick-joo. Kabilang din ang pangingikil sa tatlo pang Koreano na tinokhang, at ang inilabas sa Senate hearing na video footage na nagpapakita ng “tanim-shabu” ng mga pulis sa isang tinokhang na opisina.
Sa pangyayaring ito, hindi maitatanggi na ang grupo ni dating Pangulong Noynoy Aquino at mga alipores sa Liberal Party kabilang ang leftist group ang higit na masaya at nagtagumpay dahil sa matagal na silang kontra sa Oplan: Tokhang.
Katuwiran nila, paglabag sa karapatang pantao ang pagpapatupad ng Oplan: Tokhang.
Pero kasabay ng pagdiriwang ng grupo ni Noynoy at grupong makakaliwa, nagsasaya rin ngayon ang mga adik, pusher at drug lord. Alam ng mga adik, pusher at drug lords sa mga komunidad na malaya na silang makagagamit at makapagtutulak ngayon ng shabu dahil sa suspensiyon ng Oplan: Tokhang.
Magiging malaya ang kalakalan ng shabu at siguradong darami ang mga adik sa ginawang pagpapatigil ng Oplan: Tokhang. Asahang sa mga susunod na araw, marami ang mga inosenteng sibilyan ang magiging biktima ng ilegal na droga.