BATID ng sambayanan na matindi ang galit ni President Duterte sa ilegal na droga at ito ang nagbunsod ng kautusan niya sa mga awtoridad na hulihin ang mga adik at pusher sa bansa.
Nakalulungkot nga lamang na ang pangakong suporta ni Duterte sa mga opisyal sa kanyang digmaan sa droga rin ang dahilan kaya lumakas ang loob ng ibang pulis para mambiktima ng mga inosenteng sibilyan.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, ginagawa itong dahilan ng mga tiwaling pulis para sa sarili nilang kapakanan. Dahil batid nilang takot ang mga mamamayan, kahit mga inosenteng hindi sangkot sa droga ay kanilang pinupuntirya para maperahan.
May punto si Lacson at halimbawa na rito ang brutal na pagkakapaslang kay Jee Ick-joo, isang negosyanteng Koreano na dinukot ng mga armadong lalaki kabilang si SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Ilegal na droga ang naging palusot ng mga kumuha kay Jee at sa kasambahay niya mula sa kanilang tahanan sa Angeles, Pampanga noong Oktubre.
Bagaman pinatakas ang kasambahay, si Jee ay pinatay sa loob mismo ng police headquarters sa Camp Crame, na dapat sanang ituring na pinakaligtas na lugar sa buong bansa dahil baluwarte ito ng mga nagpapatupad ng bansa.
Biruin ninyo na ang mga dumukot kay Jee ay nagawa pang humingi ng ransom sa kanyang asawa, nang hindi sinasabing patay na ang negosyante?
Muli na naman tayong nalagay sa sentro ng kontrobersiya at kahihiyan. Ang mga mata ng buong mundo ay nakatuon sa atin dahil sa pagkamatay ng isang dayuhan sa kamay ng mga pulis sa loob ng headquarters ng PNP, na itinuturing na isa sa pinaka-corrupt na ahensiya sa bansa.
Sampal din ito sa pagmumukha ni PNP Director General Ronald “Bato” dela Rosa dahil naganap ang pamamaslang sa loob mismo ng kanyang bakuran.
Noon pa binabatikos ng marami, pati na ng matataas na pinuno ng ibang bansa, ang digmaan sa droga ng Pangulo dahil libo-libo na ang namatay rito.
Panahon na para salain ang pulisya at magpatupad ng mga pagbabago, pati sa pagpapatupad ng kampanya laban sa droga. Kasuhan ang mga pulis na sumasabit at sa oras na napatunayang nagkasala, sibakin sa puwesto at tuluyang ipakulong.
Dapat din linawin ni Duterte na may limitasyon ang kanyang suporta at ito ay para sa mga lehitimong operasyon lamang. Sa oras na may umabuso sa mga awtoridad ay kanyang parusahan upang huwag na silang tularan ng iba pa.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.