SIMULA bukas, papasok na ang buwan ng Pebrero. At isa sa pinakaaabangan sa buwang ito ang anibersaryo ng EDSA People Power 1. Naging makasaysayan ang tatlong araw na pag-aalsa ng taongbayan na nagsimula noong 22-25 Pebrero, dahil napatalsik sa kanyang trono si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Naibalik ang demokrasya sa Filipinas. Pero matapos makuha ni Cory Aquino ang kapangyarihan bilang pangulo ng bansa, marami ang nadesmaya. Nalugmok ang bansa sa kahirapan dahil tuluyang naghari ang mga bagong elitista at oligarka na kumontrol at nakinabang sa ekonomiya ng Filipinas.
Ngayon, muling gugunitain ang EDSA People Power 1 at makatitiyak tayong muling sasamantalahin ito ng mga dilawang grupo sa pamumuno ni dating Pangulong Noynoy Aquino at kanyang alipores sa Liberal Party.
Ang pagsasagawa nila ng mga kilos-protesta ay hindi matatawag na paggunita sa EDSA People Power 1 kundi paraan nila para muling batikusin ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Kung ito man ay isang uri ng destabilisasyon, kailangang maging mapagmatyag ang bayan sa grupong dilawan ni Noynoy. Desperado ang grupong ito at tiyak na gagawin ang lahat para lamang mapatalsik si Duterte sa kanyang puwesto.
Makasaysayan at sagrado ang EDSA People Power 1, at huwag natin hayaang gamitin ito ng mga taong may masamang balakin at parang ‘zombie’ na gustong makabalik sa kapangyarihan.
Biguin ang mga zombie na matakaw sa kapangyarihan.