DURUGISTA! Ano nga ba ang dinaraanan ng isang drug addict sa kanyang paglalakbay sa isang mapusok na desisyon sa buhay para hindi ito maalis-alis ng basta na lang?
Iniatang ang isang mabigat na papel kay Enchong Dee ng MMK (Maalaala Mo Kaya) na matutunghayan natin sa Sabado, Enero 28, sa Kapamilya, bilang ang drug addict na si Jeck.
Sa sinaliksik na istorya nina Joan Habana at Arah Jell Badayos na isang taga-Cebu na nalulong sa masamang bisyo mula pa noong teenage years niya, ipinakita ni direk Nuel Naval ang epekto ng kawalan ng gabay ng pamilya sa kanilang mga mahal sa buhay. Dahil kadalasan ito ang nagbubuyo sa kanila na mapahinuhod sa impluwensiya ng mga nakapaligid din sa kanila.
Ano ang hugot ni Jeck? Iniwan ng pamilya. Nag-OFW sa Amerika. Nang lumalala na ang pagka-addict at gumagawa na ng mga bagay na labag sa batas, dinala siya sa Amerika. Pero sa simula lang siya naging maayos at hinanap ng katawan ang nakasanayan na.
Naka-ahon ba si Jeck sa kumunoy bilang isang drug addict?
Para kay Enchong, “Mahirap ding malaman ‘yung talagang nasa isip ng isang tao. Kung bakit siya umabot sa pagkalulong at mawalan ng laban sa isang bagay na buhay niya na ang nagiging kapalit!”
Isang natatanging pagganap ng isang aktor na ‘di na matatawaran ang kakayahan sa kanyang craft!
HARDTALK – Pilar Mateo