HINDI talaga maibsan ang galit nitong si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa Simbahang Katolika, lalo sa mga hanay ng mga pari, nang hamunin ang mga obispo na sabay-sabay silang magsipagbitiw.
Sa gitna ng talumpati ni Duterte sa ikalawang anibersaryo ng Mamasapano massacre na ikinasawi ng 44 miyemrbo ng SAF, binatikos nito ang patuloy na pakikialam ng mga obispo sa kanyang administrasyon.
Panay banat daw ang mga obispo pero hindi nila nakikita ang dumi sa kanilang sarili.
At inisa-isa ng pangulo ang kontrobersiya ng mga obispo na dumungis sa imahen ng Simbahan.
Andiyan ang obispo na dala-dalawa ang anak, nariyan ang tumanggap nang kung ano-anong suhol, at sabit din sa iba’t ibang katiwalian.
Akala mo umano kung sino sila kung bumatikos sa kanyang administrasyon lalo sa kampanya laban sa ilegal na droga pero hindi naman nakatutulong sa taongbayan.
Kung tutuusin marami ngang sablay ang Simbahang Katolika. Kung minsan mas inuuna pa ang pakikialam sa usaping politika, at nakakalimutan ang pangunahing tungkulin tulad nang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos.
Imbes asikasihin nila ang kanilang mga deboto ay inuuna nila ang pakikipagbangayan sa administrasyon.
Dahil dito maraming umaalis sa Simbahang Katolika dahil nakikita nila na ang kanilang mga pinunong pari ay walang ipinagkaiba sa mga politikong kanilang kinaiinisan.
Tama si Duterte na sa kanilang pangangaral sa pulpito, mas makabubuti na hikayatin nila ang kanilang mga tagasunod na tigilan ang paggamit ng droga na sisira ng kanilang kinabukasan at pamilya. Higit na makatutulong ang Simbahan kung hindi sasalungat sa programa ng gobyerno lalo sa kampanya laban sa ilegal na droga.