HINDI na sana nasupalpal si House Speaker Pantaleon Alvarez kung hindi na siya nakisawsaw sa panawagang magbitiw sa kanyang puwesto si PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
Matapos kasing uminit ang usapin sa Koreanong si Jee Ick-joo na kinidnap at pinatay sa loob mismo ng Camp Crame, marami ang nadesmaya kay Gen. dela Rosa, at nanawagan na magbitiw sa kanyang puwesto. Kabilang na sa mga naunang humiling sa kanyang resignation ay si Alvarez, na ikinagulat ng lahat dahil magkakampi ang dalawa at parehong kaibigan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Pero naunsiyami ang kagustuhan ni Alvarez na magbitiw sa puwesto si Dela Rosa nang mismong si Duterte na ang nagsalita na hindi kailangang magbitiw dahil nananatili ang kanyang tiwala at kompiyansa sa liderato ng PNP.
Supalapal si Alvarez! Kung inasikaso na lang kasi ni Alvarez ang kanyang trabaho at hindi pinakialaman si Dela Rosa, hindi na siya napahiya. Ang daming gawain sa Congress. Inasikaso na lamang sana niya ang mga priority bills na hanggang ngayon ay nakatengga sa mga komite.
Huwag nang pakialaman ni Alvarez ang usapin sa peace and order dahil gawain ito ng PNP. Mas mabuting asikasuhin na lang niya ang mga panukalang batas na makatutulong sa mabilis na pagsugpo sa krimen tulad ng ilegal na droga.