TULUYAN nang kinasuhan sa Sandiganbayan sina dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima at dating Special Action Force (SAF) Commander Getulio Napeñas dahil sa katiwalian at usurpation of powers kaugnay sa Mamasapano encounter.
Ginawa ng Office of the Special Prosecutor ang pahahain ng reklamo sa bespiras ng ikalawang anibersaryo ng madugong insidente na ikinamatay ng 44 tauhan ng Special Action Force (SAF).
Matatandaan, nangyari ang enkwentro ng SAF, MILF at iba pang armadong grupo sa Mamasapano, Maguindanao noong 25 ng Enero, 2015, dahil sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa teroristang si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.
Ayon sa special prosecutors, nakitaan nang sapat na basehan ang reklamo para tuluyang iakyat sa anti-graft court dahil sa pakikialam ni Purisima sa maselang operasyon, sa kabila na siya ay suspendido.
Samantala, sinasabing nilabag ni Napeñas ang panuntunan ng PNP nang hindi niya ipaalam sa kanyang higher officials ang nasabing operasyon.