BINALASA ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang field officials upang isulong ang environmental programs na idinesenyo para mapaunlad ang mga komunidad sa buong bansa.
Sinabi ni Environment Secretary Gina Lopez kahapon, apektado sa nasabing pagba-lasa ang 17 DENR regional offices, aniya ay isang mahalagang hakbang, patungo sa five-year development plan para sa nasabing kagawaran.
Ang kanyang medium-term plan, sinabi ni Lopez, ay kaakibat ng tinaguriang sustainable integrated area development (SIAD) at kaugnay sa “AmBisyonNatin 2040” ang 25-year vision ng gobyerno para maisulong ang bansa patungo sa predominantly middle-class society sa 20140.
Ayon kay Lopez, sa “restructuring” ay maipatutupad nang maayos ang SIAD approach sa environmental programs and projects, lalo na ang direktang makaaapekto sa marginalized sector, katulad ng Enhanced National Greening Program, ang massive reforestation initiative na hakbang din sa pagresolba sa kahirapan.
Base sa plano ni Lopez, ang SIAD ang magsisilbing framework ng DENR sa lokal na pagpapaunlad, pagbubuo ng social enterperises sa mga kabukiran at pagbubuo ng “mini economic zones” na lilikha ng trabaho, kabuhayan at equitable income-generating activities sa mga komunidad.
Kompiyansa ang DENR chief na ang “restructuring” ay makatutulong sa DENR sa pagpapatupad ng mandato nito bilang isa sa social justice champions ng gobyerno.
Ang itinalagang regional directors ay sina Francisco Moreno para sa Region 1; Gil Aromin, Region 2; Francisco Milla, Region 3; Arsenio Tanchuling, Region 4A; Natividad Bernardino, Region 4B; Crisanta Marlene Rodriguez, Region 5; Jim Sampulna, Region 6; Emma Melana, Region 7; Leonardo Sibbaluca, Region 8; Felix Mirasol, Region 9; Paquito Melicor, Region 10; Edwin Andot, Region 11; Reynulfo Juan, Region 12; Charlie Fabre, Region 13; Ludy Wagan, National Capital Region; Ralph Pablo, Cordillera Administrative Region; at Al Orolfo, Negros Island Region.