BUKAS muling gugunitain ang ika-2 anibersaryo ng Mamasapano Massacre. Taong 2015 nang tambangan ng mga rebeldeng Muslim ang grupo ng Special Action Force na nagresulta sa pagkakapatay ng 44 miyembro nito sa isang operasyon sa Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Mailap ang hustisya para sa tinaguriang SAF44. Hanggang ngayon, matapos ang dalawang taong madugong pananambang ng MILF at BIFF, wala pa ring katarungang nakakamit ang mga naulila ng SAF44.
Sa ngayon, hindi iilan ang nanawagan na bukod kay dating PNP chief Alan Purisima, kailangang papanagutin din si dating Pangulong Noynoy Aquino, bilang commander in chief, na siyang responsable kung bakit nangyari ang pagkakapatay sa 44 na miyembro ng SAF.
Nitong nakaraang Huwebes, mismong si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang nagsabing makikipagpulong siya sa mga biyuda ng SAF44 bilang bahagi ng paggunita sa Mamasapano Massacre.
Umaasa ang mga naulila ng SAF44 na sa bagong pamunuan ni Duterte, ang kawalang hustisya sa ilalim ng pamahalaan ni Noynoy ay hindi na mangyayari, at sa kalaunan mapapanagot ang mga responsable sa pagkakapaslang sa 44 na miyembro ng SAF.