POSTSCRIPT na ito ng nakabibigla’t nakalulungkot na pamamaalam ni Tita Donna Villa, as told by Tita Nene Mercado, ang kanyang pinakamalapit na kaibigan na itinuring na ring kapamilya.
Matapos makatanggap si Tita Cristy Fermin ng tawag mula kay Col. Jude Estrada (kasisimula pa lang ng programang CFMnoong Lunes ng hapon) na nagbalitang pumanaw na ang dating aktres at film producer ay agad itong bineripika ng una kay Tita Nene.
Dahil kagigising lang ay hindi raw namalayan ni Tita Nene ang sangkaterba na palang missed calls sa kanyang mobile phone. When told about the news ay nainis pa nga si Tita Nene, sino raw ba ang nagkalat ng balitang ‘yon?
Ilang sandali ay kausap uli ni Tita Cristy ang humahagulgol nang si Tita Nene, nakompirma na kasi nitong totoo ang balita. But no details were available yet.
In no time nga’y naiulat na ang sanhi ng pagkamatay ni Tita Donna: ovarian cancer. At ito ang kuwento ni Tita Nene: “Ni wala akong kaalam-alam na may sakit na pala siya. Halos araw-araw kaming magkakasama. Ang lahat ng problema niya, alam ko. Kahit sa production side, ako ang nakaaalam.”
Pero kumambyo si Tita Nene na naalala niya minsan, not too long ago, ay silang dalawa lang daw ang nag-uusap ni Tita Donna. “Sa gitna ng pag-uusap namin, huminto siya. Mayroon daw siyang sasabihin sa akin. Kaso, sa kung anong dahilan, basta naudlot ‘yung sasabihin niya sa akin.”
Siguro raw, ani Tita Nene, ay ‘yun sana ang pagkakataong lakas-loob na sasabihin ni Tita Donna ang tungkol sa kanyang itinatagong karamdaman.
“Ang daya niya. Niloko niya ‘ko,” umiiyak na hinampo ni Tita Nene sa kulang na lang ay itinuring niyang kadugo (and vice versa).
Sabi na lang namin ay baka ugali na ni Tita Donna ang hindi madaingin sa kung ano ang kanyang nararamdman, pisikal man o emosyonal. May mga tao rin kasing ayaw maging alalahanin (o bothersome) pa sa ibang tao o maging sa mismong kaanak.
Late last year nang may mabasa kaming column item (hindi rito sa Hataw) tungkol sa pagkaka-confine ni direk Carlo J. Caparas sa Asian General Hospital. Posible rin kasing hindi si direk Carlo J. ang naospital kundi si Tita Donna but she wouldn’t want to cause anxiety among her relatives and friends.
Early 90s, kasagsagan noon sa pagpoprodyus ang Golden Lions Films, nang magsimula kaming maging malapit sa mag-asawang direk Carlo at Tita Donna. Era ‘yon ng so-called massacre movies na sunod-sunod na ginawa ng kanilang produksiyon na certified blockbusters.
Noon pa man ay may pitak na sa puso ng mag-asawa ang mga reporter. Wala silang sinisino, ang lahat ay mga kaibigan nila.
Magpahanggang early last year when the “golden couple” ventured into TV sa pamamagitan ng Ang Panday at Tasya Fantasya (sa TV5) ay well-attended ang kanilang mga presscon.
At ngayong namaalam na si Tita Donna, totoong kasama ring naglaho ang mahalagang bahagi ng pagkatao ng bawat reporter whose heart she had touched.
Hindi ‘yon sa kung anumang halagang galing sa bulsa ng mag-asawa, kundi sa malasakit at pagmamahal na nagmumula sa kanilang mabubuting puso.
Tita Donna, mami-miss po kayo ng buong showbiz. Isa pong mapayapang paglalakbay…
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III