NAGSUMITE sina SPO3 Sta. Isabel at kanyang misis ng mga katibayan sa National Bureau of Investigation (NBI) na inosente sila sa nangyaring kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, sinabi ni Sta. Isabel sa salaysay na isinumite sa NBI, sila ay na-frame-up lamang at walang kinalaman sa pagpatay kay Jee.
Nakasaad din aniya sa nasabing affidavit na imposibleng nasa Angeles City, Pampanga si Sta. Isabel, pinangyarihan ng insidente noong 18 Oktubre 2016.
Ito ay dahil nasa meeting daw si Sta. Isabel kasama si Superintendent Raphael Dumlao, team leader ng PNP Anti-Illegal Drugs Group.
Dagdag ng kalihim, ayon kay Sta. Isabel, inutusan siya na samahan ang anak ni Dumlao na pumunta sa National Bookstore branch sa Metro Manila.
Mayroon aniyang dokumento si Sta. Isabel na nagpapatunay ukol dito.
Bukod dito, sinabi rin ni Aguirre, ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky ay may ipinakita ring mga pruweba na nagpapatotoo sa sinasabi ng kanyang mister.
Halimbawa rito ang retratong kuha mula sa CCTV footage na nagpapakita na ang ginamit na Toyota Hilux sa surveillance at kidnapping kay Jee ay hindi talaga kanilang sasakyan.
Ayon kay Jinky, ang kanilang Hilux ay may carrier at conduction sticker habang ang sasakyan na ginamit sa krimen ay wala nito.