NITONG nakalipas na piyesta ng Pandacan, Linggo, sinabi ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na ang patuloy na biyayang natatanggap ng lungsod, lalo ng mga mamamayan nito, ay dahil sa mga himala ng Sto. Niño.
Walang kagatol-gatol na ipinagmayabang ni Erap na dahil daw sa patnubay ng Sto. Niño kaya tuluyang nagkaisa ang mga mamamayan at siyang dahilan para magtulungan ang bawat isa para iangat ang kabuhayan ng mahihirap sa lungsod.
Teka, hindi ba nahihibang itong si Erap? Hindi na dapat gamitin pa ni Erap ang Sto. Niño dahil unang-una ay walang naniniwala sa kanya na may biyayang natatangap ang mahihirap sa lungsod ng Maynila.
Patuloy na dumarami ang bilang ng mga pulubi, at makikita ito na naghambalang sa Liwasang Bonifacio, Post Office at mismong sa paligid ng City Hall ng Maynila. Hindi rin mitatanggi na simula nang maupo si Erap bilang mayor ng lungsod, ang problema sa droga at ilegal na sugal ay lalong lumala.
Malamang na lumuluha ang Sto. Niño hindi dahil sa patuloy na kahirapan ng maliliit na mamamayan ng Maynila kundi sa patuloy na kasinungalingan ng matandang huklubang si Erap.