MANILA – Umakyat na sa pito ang bilang ng mga namatay sa pagsabog sa Omni Gas Corporation nitong nakaraang linggo sa lungsod ng Pasig.
“Unfortunately, this morning, may natanggap kaming information na mayroon nadagdag na dalawa,” ayon kay S/Supt. Wilberto Neil Kwan Tiu, regional director ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng National Capital Region.
Ang impormasyon ay kinompirma rin ng Pasig City-BFP.
Ayon kay Chief Inspector Anthony Arroyo, kasalukuyan nilang inaalam ang pagkaka-kilanlan ng dalawa pang namatay.
Anim sa 21 biktima ng pagsabog ang 80 porsiyento ang pinsala sa kanilang katawan.
Ayon kay Tiu, patuloy silang nagsasagawa ng follow-up investigation hinggil sa insidente.
“Kapag nakita po natin na mayroong sapat na ebidensiya ‘yung pangyayaring explosion at sunog doon po sa lugar na iyon ay magpa-file po ng reklamo ang Bureau of Fire Protection,” sabi ni Tiu.
Ngunit dagdag niya, wala pang nagdedemanda at titingnan pa nila kung may kapabayaan ang Omni Gas Corporation sa pagtagas ng LPG.