HINDI maitatanggi na umaatikabo pa rin ang digmaan sa ilegal na droga na ipinag-utos ni President Duterte na ipatupad ng mga awtoridad.
Pero sa kasagsagan ng naturang gi-yera ni Duterte ay may sarili palang laban sa droga si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Upang mapalakas ang drug rehabilitation program ng Archdiocese of Manila, nilagdaan kamakailan ang isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan nina Tagle at Fazenda da Esperanca founder na si Father Hans Stapel.
Ang Fazenda da Esperanca ay isang international drug rehabilitation farm. Una itong itinatag sa Sao Paulo, Brazil at ngayon ay may mga komunidad na sa Mozambique at ilang bansa sa Europe. May Fazenda da Esperanca na rin sa Barangay Bangad, Milagros, Masbate at Barangay Carolina, Naga City.
Naniniwala si Tagle na ang bawat buhay ay may pag-asa. Sa harap ng mga dating adik sa droga na sumailalim sa rehabilitasyon ng Fazenda ay sinabi ni Tagle na ang lahat ay tinatanggap ni Hesus upang sumunod sa liwanag at pag-asa. Walang pababayaan.
Nagpahayag naman si Stapel sa mga kabataan na huwag matakot na takasan ang kadiliman dahil si Hesus ay mas malakas kaysa anumang droga.
Sa pamamagitan ng MOA ay lilikha ang Archdiocese of Manila at Fazenda da Esperanca ng Sanlakbay Fazenda therapeutic community at healing center. Ang Sanlakbay ay drug rehabilitation program na pinatatakbo ng Simbahan na si-nimulan noong 23 Oktubre 2016.
Sina Duterte at Tagle ay may kanya-kanyang paraan ng pagharap sa problema na dulot ng ilegal na droga sa mga kababayan nating nalulong sa bisyo.
Para sa Pangulo ay kailangan gumamit ng kamay na bakal upang dalain ang mga adik at pusher ng droga. Kaya iniutos niya sa mga pulis na sa sandaling lumaban ang mga hinuhuli ay gumamit din sila ng dahas.
Nagresulta ito sa libo-libong nasawi nang dahil sa droga at pagbatikos ng mga humihiyaw ng katarungan dahil nalabag daw ang karapatang pantao ng marami.
Pero bilang alagad ng Panginoon, si Tagle ay may sariling paraan ng pagharap sa problema ng mga adik sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng panibagong pag-asa.
Totoo naman na ang lahat ng tao ay puwedeng magbago kung bibigyan ng pagkaka-taon. Pero kung wawakasan ang buhay ay tinuldukan na rin ang tsansang magbago ng landas at magkaroon ng kabuluhan ang buhay para sa kanyang pamilya.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE – Robert B. Roque, Jr.