PUMASOK na ang taong 2017, pero hanggang ngayon ay pa-tuloy pa rin ang kalbaryo ng taongbayan sa malalang problema ng trapiko sa Metro Manila. Halos pitong buwan na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at ang problema sa usapin ng trapiko ay tila walang solusyon.
Masasabing walang ginagawang aksiyon ang pamunuan ng Department of Transportation para resolbahin ang problema sa trapiko. Normal na pangitain ang nagsisiksikan na mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA habang ang mga pasahero naman ay umaasang makararating sila sa kani-kanilang paroroonan.
Tila nilimot na ni Transportation Secretary Art Tugade ang kanyang pangako na tatapusin ang problema ng trapiko lalo na nang makumpirma na siya sa Commission on Appointments. Dedma na lang siya ngayon sa mga banat sa kanya ng mga taong araw-araw na lang dumaranas ng kalbaryo.
Kung tutuusin ang dami talagang sablay nitong si Tugade. Kung hindi na niya problema ngayon ang kumpirmasyon ng CA, dapat pa rin siyang bugbugin sa mga batikos para tuluyang sibakin na siya sa puwesto ni Duterte.
Isama na rito ang maya’t mayang palya ng mga tren sa MRT na hindi rin naman niya masolusyonan. Walang linggo o araw na hindi tumitirik o nagkakaaberya ang MRT. Kaya talagang magtitiis na lang ang commuters.
Puro daldal lang si Tugade at kulang na kulang sa aksiyon. Hindi na dapat pinatatagal pa ni Duterte si Tugade sa kanyang puwesto – sibakin na!