NAGULANTANG ang pamilya at mga nakikipaglibing nang biglang bumangon ang isang ‘patay’ na matandang lalaki habang ibinababa na sa hukay ang kanyang kabaong.
Ang 75-anyos pensioner, ay “tumigil sa paghinga” at lumamig na ang mga paa at kamay kaya inakala ng kanyang anak na si Huang, at mga kaanak, na siya ay patay na.
Mahinang-mahina na ang matanda kaya inakala ng kanyang pamilya na siya ay pumanaw na.
Ngunit sila ay nagulantang nang makaraan ang walong oras sa funeral service, binuksan ng matanda ang kahoy na kabaong, naupo at nagtanong sa kanyang mga anak, “Anong nangyari? Ililibing n’yo na ba ako?”
Nakita niya sa paligid na mayroon nang mga bulaklak, banners at naroroon na halos ang lahat ng kanyang mga kamag-anak para makipaglibing.
Mabilis na binuhat ng mga anak ang matanda mula sa kabaong at ibinalik sa kanilang bahay, at humingi ng tawad sa kanilang maling akala.
Nanatiling mahina ang pangangatawan ng matanda at hindi gaanong kumakain.
Ngunit masaya ang kanyang pamilya dahil kapiling pa rin nila ang kanilang ama.
Nangyari ang insidenteng ito sa Junlian County, sa south-western China’s Sichuan Province.
(mirror.co.uk)