PATULOY ang pag-akyat ng Alab Pilipinas sa pedestal ng Asean Basketball League.
At isa sa mga ginawa nilang dantayan ang nagdedepensang kampeon na Westports Malaysia Dragons, 65-54, kamakalawa sa mismong bahay nila na House of Champions, Gem-in Mall in Cyberjaya, Malaysia.
Bagamat hindi nakakuha ng karaniwang numero mula sa pambatong Rayray Parks Jr., na nagkasya sa 9 puntos, sinalo ni JR Cawaling ang kargada sa kanyang 11 puntos mula sa tatlong tres para sa 5-2 baraha ng Alab.
Umakyat ang koponan sa ikatlong puwesto sa likod ng numero unong Singapore Slingers (7-1) at pumapanga-lawang Hong Kong (5-1).
Nagpakawala ang dating manlalaro ng FEU na si Cawaling ng matalas na tres sa krusyal na bahagi ng laban upang tuldukan ang 10-3 pambaon ng Alab sa Dragons na nahulog sa ibaba ng liga sa kanilang 1-5 kartada.
Nauna nang tinalo ng Filipinas ang Malaysia noong nakaraang linggo, pagkatapos ay dinungisan ang malinis na kartada ng Slingers, bago umulit ng panalo kontra Westports para sa kanilang nagliliyab na ikatlong sunod na panalo.
Susubukan umapat na sunod ng Alab kontra Hong Kong sa Sabado para sa ika-lawang puwesto.