IHIHIMLAY sa kanyang huling hantungan ang labi ng beteranong journalist na si MARIO R. ALCALA, bukas sa Forest Lake Memorial Park na matatagpuan sa Brgy. San Vicente, Biñan City, Laguna, ganap na 1:00 pm matapos ang Banal na Misa sa umaga.
Pumanaw si Mario Alcala nitong 7 Enero 2017 sa edad na 61-anyos.
Bago pumanaw, siya ay columnist ng daily tabloid na HATAW! D’yaryo ng Bayan at Police Files Tonite Sa kanyang column na “CRIME BUSTER.”
Mula 1976 hanggang 2001 naging reporter siya ng Peoples Tonight sa ilalaim ng Philippine Journalists Inc.
Dito niya binuo ang kanyang mga pangarap at ito rin ang nagsilbing daan upang mapalawak ang kanyang kaalamanan at karanasan bilang isang batikang journalist.
Makalipas ang ilang taon na paninilbihan sa nasabing pahayagan, siya ay nagsimula ulit sa iba’t ibang diyaryo tulad ng Dyaryo Bomba, Police Files Tonite at Hataw! D’yaryo ng Bayan.
Naging regular na miyembro si Mario Alcala ng National Press Club of the Philippines (NPC).
Dati rin siyang miyembro ng Quezon City Press Corps., Police Regional Office 4-12 Press Corps, (CALABARZON), Philippine National Police (PNP) Press Corps, at Reporters Organization of Pasay City (ROPC).
Ang kanyang dedikasyon at paniniwala ang kanyang naging gabay upang mapatagumpayan niya ang kanyang ninais na maabot sa buhay.
Marami siyang mga artikulo na tumatak sa masusugid na mambabasa na hanggang sa huling column ay nagawa niyang, siya ay subaybayan.
Maraming salamat Mario R. Alcala!