HABANG suportado ng mga ordinaryong mamamayan ang mga programa ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, lalo na ang giyera laban sa droga at korupsiyon, hindi dapat kalimutan ng Pangulo at ng kanyang Gabinete ang isa pang bagay na sadya namang malapit sa bituka ng taongbayan: ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ngayon pa lang ay dama na ang matataas na presyo ng mga bilihin, lalo ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan gaya ng bigas, asukal, mantika, kape, noodles, sardinas at iba pang pangangailangan na madalas na nilang kinukonsumo.
At pihadong tataas pa ang presyo nito kung walang gagawin ang pamahalaan para ito ay mapababa; at kung hindi gagawan nang paraan ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na pinaniniwalaang dahilan nang mataas na presyo ng mga bilihin.
Hindi rin dapat magtaingang-kawali si Duterte sa panawagan ng mga mamamayan na kontrahin ang suhestiyon ng kanyang economic managers na patawan ng dagdag na value added tax ang presyo ng mga produktong petrolyo para naman madagdagan ang pera ng kaban ng bayan na susuporta umano sa mga proyekto ng pamahalaan.
Kung papayagan ito ng pangulo, asahang lalong magkakapatong-patong ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na higit na magiging problema ng maliliit na mamamayan.
Kilala natin ang pangulo na kayang umunawa sa kalagayan ng mahihirap. Alam niya ang maidudulot ng mas mataas na presyo ng produktong petrolyo, kaya naniniwala tayo na hindi niya ito papayagan. Sa sandaling pumayag ang pangulo rito, pumayag na rin siyang hayaang maging mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin na magiging dahilan nang kagutuman.