IPINILIT man o hindi ang P1,000 increase (unang bahagi ng usapang P2,000) para sa pensiyon ng mga Social Security System (SSS) pensioners, ang mahalaga ay matatamo na ang matagal-tagal nang hinihintay na dagdag pensiyon ng mga lolo’t lola natin na naging miyembro ng ahensiya.
Simula sa susunod na buwan ay mararamdaman na ng pensioners ang P1,000 matapos aprubahan kamakalawa ni Pangulong Digong ang dagdag pensiyon sa kabila ng mga naunang iniulat ng Malacañang na baka magresulta sa pagkabankarote ng SSS kapag ipinilit ang increase.
Pero ano pa man, hayan na ang idinaraing ng pensioners – inaprubahan na ni PDU30. Meaning, napag-aralan na uli ng economic managers ni Pangulo na puwede pala ang increase – P1,000 muna.
Siyempre, para hindi malugi ang SSS sa mabilisan at biglaang implementasyon ng P1,000 increase (dahil inulan ng batikos ang Palasyo), agad gumawa ng paraan ang gobyerno kung paano mapapalitan o masusuportahan ang mawawalang pondo sa SSS dahil sa increase.
Anong paraan naman ang ginawa ng SSS o ng Palasyo? E ano pa nga ba kundi vacuum style. Increase sa pension, well para mapalitan agad kinakailangan na may increase din sa monthly premiums sa miyembro ng ahensiya. Ayos ‘di ba? Hindi na nga naman mababankarote ang SSS dahil may pagkukuhaan ng pondo – ang milyon-milyong miyembro ng SSS.
Wow! So bale, magkano na kaya ang makukuhang pensiyon ng lolo’t lola natin sa susunod na buwan? Sapat na kayang dagdag para sa pambili ng gamot ang P1,000 increase? Kung generic siguro na gamot ang bibilhin ni lolo’t lola ay maaaring malaking tulong ito.
Para hindi mabankarote ang SSS, kasabay ng pag-apruba sa pension increase ay inaprubahan na rin ang 1.5 percent increase sa contribution ng members.
Sa Mayo 2017 naman ang implementasyon ng increase sa contribution. Ganoon lang talaga iyong mga bata – kailangan natin tulungan ang elders.
Anyway, pakikinabangan din natin ang increase kapag nasa tamang edad na tayo, 60 anyos. Hindi lang tayo kundi ang mga susunod na henerasyon.
Ang galing magremedyo ng pamahalaang Duterte ano?
Una’y sinabing hindi puwedeng ipilit ang increase pero matapos ang isang tulog, hayun pagkagising ng Pangulo ay puwede naman pala.
Maraming salamat po Pangulong Digong. Walong taon mula ngayon ay mapakikinabangan ko na rin ang dagdag pensiyon na ito.
Ha ha ha… kaya, tayong mga naghuhulog ng pensiyon buwan-buwan. No choice kundi sumunod tayo sa batas – sa Mayo, dagdag premium tayo pero walang dagdag sahod.
He he he… sana ito ang isusunod na ipilit din ng Malacañang at huwag ang mga pinaplanong dagdag buwis tulad ng planong P6.00 sa diesel habang P10.00 naman sa gasolina. Paktay tayo kapag ipinilit din ito ng pamahalaan.
Uli, salamat Pangulong Duterte at naunawaan ninyo ang pangangailangan ng mga lolo’t lola natin na umaasa lang sa pensiyon ng SSS.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan