IMINUNGKAHI ng batikang kompositor at mang-aawit na si Anthony Castelo ang pagkakaroon ng pansamantalang ban sa mga foreign artist sa Filipinas upang bigyang pagkakataong makabangon ang humihinang lokal na industriya.
Nanawagan si Castelo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng kapuwa mang-aawit na si Freddie Aguilar na kamakailan lang ay itinalagang Presidential Adviser on Culture and Arts.
Paliwanag ni Castelo, tagapangulo ng Dakilang Lahi Foundation, bukod sa tinatangay ng mga foreign artist ang pera ng bayan palabas ng bansa, nagkakaroon pa sila ng pagkakataong bastusin ang Filipinas gaya ng “iresponsableng” pahayag ni James Taylor laban sa kampanya kontra droga ng pamahalaan.
“Major acts like that of James Taylor, Madonna, Barry Manilow and others cause a huge dollar drain to the country. Imposing a temporary ban on these performances will give an opportunity for our own local artists to regain supremacy in their own country where they have been drowned and dwarfed by imported acts,” ani Castelo.
“James Taylor’s remarks against the war on illegal drugs were irresponsible. This incident behooves us to rethink our policy on allowing foreign artists to lord over our equally, if not better-talented, local artists,” dagdag niya.
Ayon sa kaniya, maaaring pangunahan ni Aguilar ang kampanya upang iligtas ang industriya ng musika at pelikula sa bansa na nilunod na ng mga banyagang kanta at mga palabas sa entablado at sinehan.
“This continuing cultural and economic attrition on our country has a direct powerful negative effect on the Filipino psyche, attitude and behavior. Tandaan natin na totoo ang kasabihang ‘ang bayang walang kultura ay isang bayang walang kaluluwa’,” diin ni Castelo.
Sa katunayan, binastos na ni Madonna ang bandila ng Filipinas sa kaniyang nagdaang pagtatanghal bago pa magsalita si Taylor nang masama laban sa pangulo. Ito aniya ay pakikialam na sa soberenya ng bansa.
Ayon kay Castelo, hindi sila dapat pinapayagang magtanghal sa Filipinas.
“Aanhin pa ba natin sila samantala marami tayong mga international artist din dito gaya ni Ka Freddie,” dagdag ng mang-aawit. (HNT)