MULI, ipinakita ng mahigit isang milyong debotong Katoliko ang kanilang nagkakaisang paniniwala sa Mahal na Poon Nazareno. Kahapon, ang nagkakakisang paniniwalang ito ay muling isinabuhay ng mga deboto nang magsama-sama sila sa prusisyon na hindi alintana ang hirap na susuungin.
Ano man ang paniniwalang ito, hindi mapapasubalian ang pananampalataya ng mga deboto sa kapangyarihan ng Itim na Nazareno, na siyang nagkaloob sa kanila ng mga pangangaila-ngan sa buhay.
Simula sa sakit, pinansiyal na problema, pagkagumon sa alak, droga at iba pang bisyo, at pagpapatibay sa pagmamahalan ng kanilang pamilya, himalang tinatawag ng mga deboto ang ipinagkaloob sa kanila ng Itim na Nazareno.
Walang siyensiya ang maaaring tumibag sa konkretong naipagkaloob sa kanila ng mahal na Poon. Hindi na kailangan pa ang mga paliwanang nang may pinag-aralan para pasubalian ang mirakulong ipinagkaloob sa kanila ng Nazareno.
Nagkakaisa ang tinig ng mga deboto… may himala! Ipinagkaloob ng Itim na Nazareno ang kanilang mga kahilingan! Oo, tama, nasa puso ang himala, at ang katubusan ay nasa mahigpit na paniniwala at pananampalataya ng lahat… Amen.