WALANG natukoy na seryosong banta ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) lalo sa traslacion ngayong araw sa pista ng Itim ng Nazareno.
Ayon kay PNP chief, Director Gen. Ronald dela Rosa, ang ginagawa lamang ng PNP ay paghahanda sa ano mang puwedeng mangyari kabilang ang posibleng pananabotahe sa seguridad.
Pahayag ng PNP chief, bagama’t walang namo-monitor na banta ng terorismo ang pulisya, mas mainam na alam ng publiko na nakaalerto ang mga awtoridad.
“Mina-maximize namin ang preparasyon para handa tayo. We are expecting na posibleng magsagawa ng retaliatory action ang terorista sa southern Phils considering ang nagyayaring rest back sa kanila, gaya ng pag-neutralized kay Tokboy Maguid, lider ng AKP,” giit ni dela Rosa.
Inaasahan aniya na posibleng magsagawa ng retaliatory attacks ang teroristang grupo sa Southern Philippines ma-neutralized ang kanilang lider.
Bukod sa PNP, na-deploy rin ng mga tauhan ang Armed Forces of the Philippines para tumulong sa pagbibigay seguridad.
SEGURIDAD KASADO NA
TINIYAK ni Interior and Local Government Secretary Mike Sueno, all systems go na ang seguridad na ipinatutupad ng PNP at AFP para sa traslacion ngayong araw sa pista ng Itim na Nazareno.
Sinabi ng kalihim, kontento siya sa ipinatutupad na seguridad ng PNP sa pangunguna ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamumuno ni Director Oscar Albayalde.
Sinabi ni Sueno kahapon, wala silang natatanggap na report na may banta ng terorismo sa translacion.
Ngunit ang ginagawang paghahanda aniya ng PNP ay para maiwasan ang ano mang posibleng retaliatory attack ng teroristang grupo lalo ang ISIS inspired groups gaya ng Ansar Khilafa Philippines (AKP), dahil sa pagkamatay ng kanilang lider.
Sa ngayon, nasa double full alert ang PNP para maiwasan ang ano mang pananabotahe sa seguridad.
Giit ng kalihim, may kaukulang hakbang na ipinatutupad ang PNP para maging maayos at mapayapa ang traslacion ngayong araw.
Nilinaw ni Sueno, ang isinagawang raid sa isang Islamic Center sa Quiapo ay bahagi nang paghahanda sa seguridad ng mga awtoridad para sa traslacion.
Siniguro ni Sueno, ligtas ang mga deboto ng Itim na Nazareno na magtungo at makiisa sa Traslacion.
CELLPHONE SIGNAL OFF
SA TRASLACION
PINAKIUSAPAN ng pamunuan ng pambansang pulisya ang Telecom companies na patayin muna o i-off nila ang kanilang signal ngayong araw ng pista ng Itim na Nazareno.
Ayon kay PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, mas mabuti kung patay ang signal habang isinasagawa ang traslacion kaysa maglagay sila ng signal jammer.
Paliwanag ni Dela Rosa, kapag patay ang signal ng cellphone ay hindi sila mahihirapan sa kanilang komunikasyon lalo na ang paggamit sa kanilang handheld radios.
Aniya, ang nasabing hakbang ay para matiyak na walang mga indibidwal ang makapaghasik ng karahasan gaya ng paglalagay ng bomba.
Ginagawa ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat para maging mapayapa ang traslacion ngayong araw.
48 HR GUN BAN
SA MAYNILA
SIMULA NA
SIMULA 8:00 am kahapon, epektibo na ang 48-hour gun ban na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP) sa Maynila kaugnay ng pista ng Itim na Nazareno.
Matatapos ang gun ban sa Martes, 10 Enero 2017 dakong 8:00 am.
Ang pagpapatupad ng gun ban sa Maynila ay para matiyak na maayos at mapayapa ang traslacion ngayong araw.
Muling pinaalalahanan ni PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, bawal magbitbit ng armas habang may gun ban.
Tanging mga unipormadong pulis at sundalo lamang ang puwedeng magdala ng armas.
Sa panig ng security guards, puwede sila magbitbit ng armas habang naka-duty sa kanilang mga puwesto at establisimiyento.
Apela ng PNP sa gun owners, maging responsable.
(LEONARD BASILIO)
BACKPACK, JACKET,
SOMBRERO BAWAL
BINIGYANG-DIIN ni PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, mahigpit nilang ipagbabawal ang pagdadala ng backpack, magsuot ng sombrero at jacket.
Kapag may nakitang ganito ang mga pulis ay agad silang sisitahin.
Libo-libong mga pulis ang ipakakalat sa Maynila para sa pista ng Itim na Nazareno.
‘HUWAG KANG PAPATAY’
STREAMER INILADLAD
SA “PAHALIK”
MULING ipinaalala ng Quiapo Church kahapon sa publiko ang kanilang paninindigan na pagkontra sa pagpatay ng tao, sa pagkakataong ito ay isinagawa sa tradisyonal na “Pahalik” sa Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand sa Maynila.
“Huwag kang papatay,” nakasaad sa tarpaulin na iniladlad sa stadium na maraming mga tao ang pumila para makahalik sa imahe ng Nazareno.
Nitong Disyembre, nag-display din ang Quiapo Church ng katulad na streamer sa facade ng cathedral sa gitna ng mga pagpatay sa hinihinalang mga sangkot sa droga na itinuturo sa ipinatutupad na war on drugs ng gobyerno.
Ang Quiapo Church ang lead organizer ng pista ng Itim na Nazareno, inaasahang daragsain ng milyon-milyong deboto ang traslacion ngayong araw.