BAKIT hanggang ngayon ay hindi pa rin inilalabas ng Philippine National Police (PNP) ang final list ng showbiz personalities na sangkot sa ipinagbabawal na droga?
Simula nang pumutok ang isyu sa pagkakasangkot ng celebrities sa illegal drugs may ilang buwan na ang nakararaan, bakit wala na tayong narinig na bagong balita tungkol dito ngayon.
Kung hindi nasa validation process, kesyo nagsasagawa pa raw sila ng masusing imbestigasyon para masiguro na ang mapapangalanan nilang showbiz personalities ay talagang sangkot sa droga. Katuwiran pa nitong si PNP chief Director General Bato dela Rosa, matamang pinag-aaralan nila ang intelligence information na kanilang nakalap.
Pero ang malungkot nito halos anim na buwan ang sinasabing listahan ng celebrities na nasa drug list pero bakit hanggang ngayon hindi nila ito maisapubliko. Unfair naman yata ito sa mga naunang natukoy o napangalanan na mga personalidad na sangkot sa droga.
Nauna nang sinabi ni NCRPO Chief Supt. Oscar Albayalde na umaabot sa 54 showbiz personalities ang pasok sa illegal drug trade, pero ‘di naman nila matukoy.
Napakalakas naman yata ng celebrities kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at hindi maipag-utos na ilabas na ang nasabing final list ng mga celebrity na sangkot sa droga.
Meron bang malaking pagkakautang si Duterte sa influential celebrities?