BAGAMA’T matibay ang paniniwalang hindi magtatagumpay ang mga tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte, seryosong bibigyan ng pansin ng Kamara ang nasabing ouster plot.
Ayon kay House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, mahalagang malaman kung totoo ang pakikialam ni dating US Ambassador Philip Goldberg sa soberanya ng Filipinas.
Matatandaan, sa nalathalang impormasyon, sinasabing pina-plano ng dating US envoy ang pagpapahina sa Duterte administration bago ang tuluyang pagpapatalsik.
Kabilang sa balak ang pagkakait ng tulong sa Filipinas, habang bubuhusan ng suporta ang iba pang mga kalapit nating bansa sa Asya.
Gagamitin din umano ng oposisyon bilang channel ng ano mang aksiyon upang mapahina ang administrasyon.
Si Goldberg ay minsan nang pinagsalitaan ni Duterte ng maaanghang na pahayag kahit noong nagsisilbi pa siya bilang US envoy sa Filipinas.
Ayon kay Alvarez, handa silang ipatawag ang mataas na opisyal ng US Embassy para malinawan ang isyu.
Plano ng Kamara na isama ito sa mga prayoridad na gawain sa pagbabalik ng sesyon.
Samantala, mariing itinanggi ng US Embassy ang nasabing balita. Ayon kay US Embassy Press Attache Molly Koscina, mula noong nakipagpulong si Secretary of State John Kerry kay Pangulong Duterte ay tiniyak niya na inirerespeto ang soberanya ng bansa at ang pagpili ng mga Filipino sa kanilang magiging lider.