KADALASAN kapag naging heneral na ang isang opisyal sa Philippine National Police (PNP), medyo tinatamad nang magkikikilos – heneral na kasi siya e. Marahil inakala niyang hanggang doon na lamang ang paglilingkod sa bayan na kanyang sinumpaan.
Hindi lang medyo tinatamad kapag naging heneral na ang isang opisyal kundi, ipinadarama niya sa mga tauhan niya at ilang sibilyan na iba na siya – isa na siyang heneral na hindi na basta-basta aabutin o kakausapin.
Sa madaling salita, taas noo na siya at hindi na rin mabali-bali ang kanyang leeg. Marami akong kilalang ganitong uring opisyal na naging heneral.
Pero ibang klase ang kasalukuyang District Director ng Quezon City Police District (QCPD). Nang makuha ang kanyang isang bituin para maging ganap na siyang isang heneral – Chief Superintendent, hindi siya nagbago sa pakikitungo sa kanyang mga tauhan at opisyal sa QCPD. Down to earth pa rin ang mama hanggang sa pinakamababang posisyon sa QCPD. Hindi lang sa kanyang mgas pulis kundi maging sa civilian employees – sila man ay kabilang sa maintenance o janitorial position.
Yes, kung ano si Chief Supt. Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar nang dumating sa QCPD bilang mapagkumbabang Senior Superintendent para sa posisyong acting district director, hindi nagbago ang opisyal kahit isa na siyang Chief Superintendent.
Very humble pa rin ang heneral. Nang matalumpati nga kamakailan sa kanyang arrival ceremony sa Kampo Karingal matapos ang donning sa kanyang one star sa Kampo Crame, saludo talaga ako sa opisyal.
Lahat ay kanyang pinasalamatan sa kanyang promotion (a well deserved promotion for General Guilor), mula sa kanyang DDA, DDO, CDS, station commanders/division chiefs hanggang sa pinakamababang PO1 at maging ang mga maintenance sa Kampo Karingal, hindi niya kinalimutan pasalamatan ang kanyang driver, aide-de-camp, at mga pulis rin na nagbibigay proteksiyon sa kanya sa tuwing umaalis siya para sa isang pulong sa barangay at iba pa.
Maging ang mga mamamahayag ay kanya rin pinasalamatan. At higit sa lahat ang Panginoong Diyos at kanyang pamilya.
Pero ang higit pang kahanga-hanga sa Heneral ay wala siyang pinipiling panahon sa paglingkod sa taongbayan – kahit holiday ay tuloy sa pagtatrabaho si Eleazar gayondin ang kanyang mga tauhan. Bisperas nga ng Pasko (nasa Tuguegarao ako) tinawagan tayo ni DD dahil may huli raw sila – ang pumaslang sa isang executive (regional director) ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Wow! Kakaiba ka nga General Guilor.
Hindi lamang ito, kundi kahit na Pasko ay lalo pang pinaigting ni Eleazar ang kampanya ng QCPD laban sa droga base pa rin sa direktiba ni PNP Chief, Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa at NCRPO chief, Dir. Oscar Albayalde.
Walang baka-bakasyon sa mama – hindi niya pinabayaan ang kanyang responsibilidad sa taongbayan kahit na isa na siyang Heneral. Tulad nga nang naunang nasabi, marami kasing opisyal ng PNP na kapag naging heneral na ay nag-iiba na ang ugali maging ang pagtatrabaho.
Pero heto si Eleazar, tuloy ang kampanya niya laban sa droga.
“Kung mapapansin po ninyo sa ating mga barangay, halos araw-araw po ay may mga pulis tayo na tuloy-tuloy sa pagkatok at nakikiusap sa mga residenteng involved sa illegal drugs para kumbinsihin na talikuran ito. Wala po tayong pinipiling araw, ang habol kasi natin dito ay kailangan, lahat ng residente ng Lungsod Quezon ay maging malinis at wala nang involvement sa illegal drugs. Kaya ang mga adik o pusher na ayaw magbago at ayaw makiisa sa programa ng pamahalaan ay nagiging subject ng police operations para mahuli at makulong, upang maalis sa komunidad na ayaw sa droga at gusto ng tahimik na pamumuhay,” pahayag ni Eleazar.
At heto nga nitong Pasko, apat na drug pusher na ayaw makiisa sa kampanya laban sa droga ay napatay sa magkahiwalay na operasyon ng Masambong Police Station 2 na pinamumunuan ni Supt. Igmedio B. Bernaldez at Supt. April Mark C. Young, hepe ng Novaliches Police Station 4.
Ang apat na napatay makaraang manlaban nang arestohin sa ikinasang buy-bust operation ay kilalang tulak sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches at Brgy. Paraiso, kapwa sa Quezon City. Kahapon, dalawa pa ang napatay sa operasyon din ng PS 4.
Iyan si C/Supt. Eleazar at bumubuo ng QCPD, walang holi-holiday sa kanila. Tuloy ang paglilingkod nila sa taongbayan bagaman, kanilang inirerespeto ang pagdiriwang ng Pasko.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan