IBINIDA ni PNP chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa, nakamit nila ang 70 porsiyentong target sa pinalakas na kampanya kontra ilegal na droga.
Iniulat ni Dela Rosa, mula 1 Hulyo hanggang 22 Disyembre 2016, umabot sa 1,326,472 ang naitala nilang drug personalities.
Kasama sa bilang na ito ang 1,049,302 sumuko sa Oplan Tokhang, 45,041 ang arestado, at 2,295 ang napatay sa lehitimong police operations.
Kasama rin dito ang 69,647 drug offenders sa loob ng kulungan, at 54 nasa counseling ng DSWD.
Hindi pa kasama rito ang halos 4,000 DUI o death under investigation, itinuturing ng ilang grupo na mga biktima ng extrajudicial killings (EJK).
Para sa PNP, ang ibang katawagan sa DUI ay murder cases.
Ayon sa PNP chief, kontento siya sa kanilang accomplishment, at tiniyak na magtutuloy-tuloy ang Oplan Double Barrel Alpha sa susunod na anim buwan at magpo-focus ang kampanya sa high value targets.
“As of now, masasabi natin na we are victorious on our war on drugs for the moment since nakuha natin ‘yung 70 percent ng ating target na 1.8 milyon,” ani Dela Rosa.