PALPAK na naman ang Communist Party of the Philippine (CPP) na pinamumunuan ni Jose Maria Sison. Sa ika-48 anibersaryong pagkakatatag ng CPP nitong nakaraang 26 Disyembre, nilangaw ang kanilang panawagan na maglunsad ng isang nationwide peace rally bilang pagtuligsa kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa usapin ng kapayapaan.
Sa halip, ang taongbayan ay masayang nagsama-sama sa kani-kanilang mga tahanan at nagpakita ng pagkakaisa at pagmamahalan bilang paggunita sa kapaskuhan. Parang mga asong ulol na tahol nang tahol ang pamunuan ng CPP dahil hindi pinakinggan ang kanilang panawagan na magkaroon ng kilos-protesta.
Wala na yatang matinong lider ang CPP. Sino ba naman ang sasama sa kanilang rally na galit ang tema sa panahon na ang nais ng mamamayang Pilipino ay makasama ang kanilang pamilya ay masaya at nagkakaisa? Hindi ba nila alam na hindi naman hinog ang situwasyon para manawagan ng nationwide rally para tuligsain ang administrasyong Duterte?
Hindi lang palpak, kundi bobo ang nagdesisyon na manawagan ng isang nationwide rally para tuligsain si Duterte. Halatang hindi nakasayad sa lupa ang gumawa ng desisyong ito at inakala niyang marami ang lalahok sa kanilang panawagan.
Dapat magising sa katotohanan ang mga komunista na hindi na sila pinapatulan ng mamamayang Filipino. Matagal nang bulok at bangkarote ang kanilang mga pinagsasabi lalo na ang kanilang teorya.
Wala nang nakikinig at naniniwala sa kanila kaya nilangaw ang kanilang panawagang nationwide rally.