MAGBABALIK-pelikula ang komedyanteng si Paul Sy via Direk Perry Escaño‘s Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa starring Alfred Vargas. Si Paul ay dating kilala bilang Wally Waley dahil sa pagiging Kalokalike ni Wally Bayola. Regular siyang napapanood sa ABS CBN sitcom na Home Sweetie Home na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga.
From Wally Waley, bakit ka nagpalit ng screen name at naging Paul Sy ka na? “Iyong Paul Sy po real name ko, kahit sa Home Sweetie Home ay yun na po ang inilagay sa billing. Si Direk Bobot (Edgar Mortiz) daw po ang nagpalagay,” nakatawang saad sa amin ni Paul.
Ano ang masasabi niya kina Congressman Alfred at Direk Perry? “Excited akong muling makakatrabaho si Alfred Vargas, kasi actually, naka-work ko na siya sa unang Encantadia. Kasi nga, ako yung nag-puppet dati kay Imaw.
“Kay Direk Perry, alam kong dream come true rin sa kanya ito, although marami na rin siyang nagawang mga short film. Pero eto kasi Cinemalaya at ibang level ito. Si Perry kasi simula college, magkasama na kami niyan sa Lyceum of the Philippines sa theater naming Tanghalang Batingaw. Kumbaga, iyong mga pangarap namin, alam namin sa isa’t-isa. Nagkasama rin kami sa Gantimpala Theater Foundation, sa tanghalan at obra, sa Stagers ni Direk Vince Tañada.
“Actually, ang dami rin naming pinagdaanan ni Direk Perry, nandoon pa nga yung umiiyak kami habang nagpo-prod ng madaling araw, tapos nangungutang kami ng pamasahe para makarating lang sa rehearsal, hahaha!” Nakatawang pagbabalik-tanaw pa ni Paul.
Pahabol pa niya, “Teka, ako lang pala ung nangungutang sa kanya, hahahaha! Kaya nang sinabi niya na my entry siya sa Cinemalaya, natuwa kaming magkakaibigan at inabangan namin yun at ayon, pasok sa banga! Kasi alam ko, pinag-aralan at pinaghandaan talaga ni Perry ang script na iyan, eh.”
Bago ang movie with Direk Perry, nakalabas na rin sa ilang pelikula si Paul tulad ng Kubrador ni Gina Pareño, Welga, at Pera-Perahang Lata ni Arnold Reyes.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio