IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles, kahit nagsisinungaling ang pulis sa oras na naaargabyado sila sa kanilang “line of duty,” sila pa rin ang paniniwalaan niya.
Ngunit sinabi niyang ‘yung mga sinampahan ng reklamo ay dapat lamang harapin nila ang kaso.
“Itong sa pulis sa Albuera, of course I will believe the police even if [what they are saying] is not true … and you, the military guys, kasi magkasama tayo sa gobyerno, ako ‘yung Commander-in-Chief,” pahayag ni Duterte sa harap ng mga pulis at sundalo makaraan ang isang golf tournament sa Camp Aguinaldo.
Pinatutungkulan niya ang pagkapaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob mismo ng kanyang selda sa isang kulungan sa Baybay City.
Ayun sa mga opisyal ng pulisya sa Leyte, napatay si Mayor Espinosa sa isang shootout sa loob ng kulungan.
Habang taliwas ang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI), at batay anila sa kanilang imbestigasyon sa kaso, pinatay si Espinosa sa isang insidente ng “rubout.”
“So kung sabihin ko sa inyo ang nangyari, ‘yun na ‘yun para sa akin. Now if I really wanted to fix the case, the Justice Department is under me. Tingnan labas nila, it was a rubout so we face the music,” pahayag ni Duterte.
Aniya, kahit yung mga ka-fraternity niya sa Lex Talionis ay pananagutin niya.
“‘Yung commissioner brod ko pa. Niyari ko talaga. Walang — it’s — hindi ito atin eh, tao ‘to.”
Pinatutungkulan niya ang nagbitiw na Bureau of Immigration officials na sina al Argosino at Michael Robles, nasangkot sa milyon-milyong-pisong tangkang pangingikil sa negosyanteng si Jack Lam.
“Public interest says that I should support the police and I should believe them. Now you have a story there, we’ll provide to the court,” pahayag ni Duterte.
“Kasi kung anong sabihin ng taga-gobyerno ‘yun — eh ano ‘yang trabaho mo eh ‘di tatanong ka ng totoo. Alang-alang magsususpetsa pa ako sa iyo,” dagdag niya.