DALAWANG malalaking kaganapan sa pinakamalaking indoor arena sa mundo.
Ayon kay Atty. GP Santos IV, Philippine Arena Chief Operating Officer, ganito sasalubungin ang bagong taon sa Philippine Arena dahil ang 55,000-seat indoor arena ang magiging venue ng dalawang blockbuster events na nakasentro sa pamilya na masayang susubaybay sa pagtatapos ng taon at pagsisimula ng 2017 – ang laro ng PBA Manila Classico sa December 25 at ang 2-araw na New Year Countdown mula December 30 hanggang December 31 – upang bigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na sama-samang ipagdiwang ang pagsalubong sa bagong taon.
“Dito sa Filipinas, ang pamilya ang batayang yunit ng lipunan, na binubuo ‘di lamang ng mag-asawa at ng kanilang mga supling, kundi kabilang ang mga lolo’t lola, mga pinsan, kasambahay at maging malalapit na kaibigan,” paliwanag ni Santos.
“Ang pagpapaganda ng Philippine Arena ay nakaumang sa pagpapatatag ng bahaging ito, sa pagkakabigkis ng angkan, dahil kami ay naniniwala na ito ang pundasyon ng matatag na lipunan,” dagdag ng abogado.
“Isa ito sa mga dahilan kung bakit namin itinayo ang iba’t ibang pasilidad sa loob ng Ciudad de Victoria – para sa maligaya at makabuluhang ugnayan ng buong pamilya.
Ayon kay Santos, ang dalawang events sa Philippine Arena ay uri ng mga pagdiriwang ng pamilya na madalas gawin sa Ciudad de Victoria, na may lawak na 140 ektarya sa lalawigan ng Bulacan.
“Hindi maikakaila ang pagkahumaling ng Filipino sa larong basketball na tumutulay sa loob ng maraming dekada, sa lahat ng edad at kasarian. Ang PBA Manila Classico na magtatampok sa laro ng Brgy. Ginebra San Miguel at ng Star Hotshots ang uri ng sporting event na tiyak na ikatutuwa ng buong pamilya.”
Bukod dito, ayon kay Santos, maaari rin salubungin ng mga pamilya ang bagong taon sa Ciudad de Victoria complex, na magtatampok ng mga atraksiyon gaya ng gahiganteng inflatable slides, mga carnival rides at maging mga kasayahang kabibilangan ng kilalang artista at performers gaya ng Juan dela Cruz band at 30-minuto fireworks display na sasalubong sa Bagong Taon.
Ang pagtataguyod ng pagpapahalaga sa pamilya ay nakaangkla sa mga gawaing itinatampok sa Philippine Arena. Ngayong taon, iba’t ibang mga event sa Arena ang nagtanghal sa halaga ng pamilya gaya ng Philippine Arena Weekend Market, na nagsisilbing umpukan ng magkakaibigan at kamag-anakan, mga bazaar, sabayang zumba sessions, biking at jogging sa paligid ng luntiang tanawin na matatagpuan sa Ciudad de Victoria.
Ang nasabing complex ay naging pangunahing sporting event venue sa bansa. Ang Philippine Sports Stadium na nandoon ay kasalukuyang tahanan ng UP Track and Field Team. Dito isinagawa ang pinakamalaking torneo sa football sa Asya, ang 2016 AFF Suzuki Cup, nitong Nobyembre lamang.
Inaabangan ang karagdagang daanang papasok at palabas ng nasabing venue at ang mga bagong aktibidad sa pagpapasinaya ng bagong Philippine Arena Exit at pagbubukas ng Big Tent na magsisilbing venue ng iba pang pagtatanghal.
“Aabangan ng publiko ang mas malalaking pangyayari sa Philippine Arena at Ciudad de Victoria sa 2017, at umaasa kami na magsisilbing ambag namin upang lalo pang paigtingin ang pagsasama-sama ng pamilya at pagtibayin sa pundasyon ng ating dakilang bansa.”