NAKABABAHALA ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo “Digong’ Duterte na baka hindi na raw niya matapos ang kanyang termino. Higit pang nabahala ang maraming tagasuporta niya nang sabihin ng kanilang idolong pangulo na madalas siyang inaatake ng migraine at matindi ang gamot na kanyang iniinom para labanan ang pananakit ng kanyang ulo.
Lalong naging usap-usapan sa mga kumpulan ang ilang sabi-sabi ng mga grupong kontra kay Duterte na baka nga raw may cancer ang 71-anyos na pangulo dahil ang painkiller na iniinom niya ay hindi lamang basta ordinaryong pain reliever kundi 10 beses na mas matindi sa epekto ng morphine.
Sino ba ang hindi mababahala rito? At sino ang hindi mag-iisip na baka nga may matinding sakit ang pangulo? Isang malaking concern ‘di lamang ng kanyang Gabinete, pamilya at lalo’t higit ng kanyang mga tagasuporta ang kalusugan ng pangulo. Ano nga ba naman talaga ang mangyayari sakaling may sakit nga ang pa-ngulo, (at harinawa’y huwag ipagbadya ng Diyos) na hindi niya kayanin tapusin ang kanyang termino?
Gayong mayroong makikitid ang isip na nagdarasal na sana ay hindi matapos ni Duterte ang kanyang termino, iba naman ang ating dasal, na sana ay maging tapat ang administrasyon sa tunay na estado ng kalusugan ng pangulo upang matigil ang sari-saring espekulasyon.
Sa ganitong paraan mapapanatag ang kalooban ng kanyang mga tagasuporta, kesehodang maganda man o hindi maganda ang katayuan ng kanyang kalusugan. Kumbaga maihahanda nila ang kanilang sarili sa kung ano man ang posibleng mangyari, matapos man o hindi ng pangulo ang kanyang termino.