HINILING ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Rosario Uriarte sa Sandiganbayan na ilagay siya sa house arrest at makapagpiyansa dahil sa lagay ng kanyang kalusugan.
Si Uriarte ang tinaguriang “missing link” sa plunder case ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hinggil sa sinasabing maling paggamit ng P366 milyon intelligence funds ng PCSO na nauna nang na-dismiss ng Korte Suprema.
Umaasa si Uriarte sa Sandiganbayan First Division na pagbibigyan ang kanyang kahilingan batay sa humanitarian consideration kagaya ng situwasyon noon ni dating Sen. Juan Ponce Enrile.
Sa kanyang 15-pahinang mosyon, sinabi ni Uriarte, may nakita ang kanyang mga doktor na isang tumor sa kanyang dibdib.
Dahil dito, kailangan niyang sumailalim sa neoadjuvant or pre-operative chemotherapy.
Hiniling ni Uriarte sa anti-graft court na payagan siyang malagay sa house arrest sa loob ng anim hanggang 10 buwan.
Bukod dito, inihirit din niya sa korte na payagan siyang makapagpiyansa dahil sinabi ng Supreme Court na hindi sapat ang mga ebidensiya laban sa kanyang dating kapwa akusado na si Arroyo.