NAPAKALUPIT talaga nitong si Labor Sec. Silvestre Bello III. Inabutan na ng kapaskuhan pero hanggang ngayon ang inaasahang pangakong bubuwagin niya ang contractualization o ENDO ay hindi na tinupad.
Nasaaan na ang sinasabi ni Bello na susundin niya ang iniutos ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na wawakasan ang ENDO? Sa halos anim na buwan niyang panunungkulan sa Department of Labor, bakit bigla siyang kumambiyo at ngayon ay tila naging abogado pa ng mga negosyante at sinasabing malamang mabangkarote kung tuluyang tatapusin ang ENDO.
Hindi lang sinungaling si Bello pero mukhang nabili na rin yata siya ng mga negosyante. Hindi niya maipagpipilitan ang sinasa-bing may tinatawag na legal contractualization dahil malinaw na ang lahat ng uri ng contractualization ay pagsasamantala sa mga manggagawa.
Maraming palusot itong si Bello. Ang akala kasi niya ay mapaiikot niya ang mga manggagawa at kanyang magagamit ang kanyang kasanayan bilang abogado. Malinaw ang argumento ng labor groups na ang pagpapairal ng contractualization o ENDO ay kasingkahulugan ng pagsasamantala sa mga manggagawa at magdudulot ng malaking tubo para sa mga negosyante.
Kung inaakala ni Bello na tatahimik ang mga manggagawa sa paikot-ikot niyang paliwanag sa usapin ng ENDO ay nagkakamali siya. Nagbubukas lamang si Bello ng isang situwasyon para ang mga manggagawa ay magsagawa nang walang patid na kilos-protesta at hilingin na masibak siya sa puwesto.