“I’M still single. Nagtataka ako sa mga tao kung bakit nagmamadali.” Ito ang tinuran ni Bea Alonzo ukol sa lumabas na retrato nila ni Gerald Anderson na magkasama sa graduation party ng kapatid ng aktres kamakailan.
Ani Bea, may trabaho siya na natapat sa graduation ng kapatid kaya noong magbigay siya ng pa-party para rito ay inimbitahan niya ang mga kaibigang kasama sa ABS-CBN Christmas Special Isang Pamilya Tayo Ngayong Pasko.
Aniya, ine-enjoy niya kung nasaan man ang relasyon nila ni Gerald ngayon. “Wala namang point para magmadali,” giit ng dalaga.
Samantala, bubuksan na ang much-awaited family drama na A Love to Last na nagtatampok kay Bea kasama si Ian Veneracion.
Ang A Love to Last ay napapanahong kuwento tungkol sa pamilya na magpapakita sa mga manonood kung paano naiiba ang konsepto ng pag-ibig pagdating sa realidad.
Tulad na lang ni Andeng Agoncillo (Bea), isang breadwinner at matagumpay na event organizer, na lubos na naniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig. Para sa kanya, ang pag-ibig ay ang makasama ang lalaking tunay na nagmamahal sa kanya at bumuo ng pamilya kasama nito.
Subalit hindi niya nakuha ang inaasahang fairy tale na ending sa kanyang love story matapos matuklasan ang kataksilan ng fiancé ilang araw bago ang kanilang kasal. Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Andeng na darating ang panahon na makikita rin niya ang lalaki para sa kanya.
Samantala, buong akala naman ni Anton Noble IV (Ian), nahanap na niya ang pag-ibig na inaasam. Pagkatapos ng ilang taong pagsasama, nagdesisyon ang kanyang asawa na si Grace (Iza Calzado) na makipaghiwalay at humingi ng annulment. Tuluyan siyang naiwan kasama ng tatlong anak at naging isang single father bukod pa sa pagiging presidente at CEO ng kanyang kompanya.
Paglalapitin sila ng tadhana sa hindi-inaasahang panahon at lugar. Kailanman, hindi naisip ni Andeng na iibig siya sa lalaking malaki ang agwat ng edad sa kanya. Sa kanyang pasyang umibig muli, mahahanap niya ang sarili sa gitna ng magulong buhay ni Anton— ang pagharap sa kanyang ex-wife at pagkuha ng loob ng kanyang mga anak.
Kasama rin sa A Love to Last sinaEnchong Dee, Julia Barretto, Ronnie Alonte, JK Labajo, at Hannah Vito. Ito ay sa direksiyon nina Jerry Lopez Sineneng at Richard Arellano, kasama si Henry Quitain bilang creative head, sa ilalim ng business unit na pinamumunuan ni Lourdes De Guzman. Ang Star Creatives ay pinamumunuan ng COO nito na si Malou Santos.
Sa Enero na mag-uumpisang mapanood ang A Love to Last sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio